Calendar
Lacson: ‘Wag na lang sana abusuhin ang budget
“HUWAG na lang sana abusuhin ang budget.”
Ito ang klarong tugon ni Senate President Pro Tempore Panfilo Ping M. Lacson kung saan ay sinabi niyang bahagi talaga ng mandato ng mga mambabatas ang budget insertions sa paghubog ng pambansang budget, ngunit umano’y inaabuso na ito ng ilan.
Ayon kay Lacson nitong Lunes, kasabay ng pagbubunyag niya ng dambuhalang mga insertion sa 2025 budget, tama lamang aniyang bantayan ito ng mamamayan sapagkat ito ay pera naman talaga ng taumbayan.
Si Lacson, na matagal nang kinikilalang bantay ng pambansang budget, ay muling nanawagan para sa transparency at accountability mula sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso sa pagtalakay ng 2026 budget.
“Hindi sa illegal ito. Call of duty, mandato namin ang mag-review ng National Expenditure Program at mag-introduce ng amendments. Ang problema nga, naabuso na ang aming mandate,” pahayag ni Lacson.
Dagdag niya: “Sana sa 2026 medyo mag-self restraint kami (dahil) mainit na mainit ang ulo ng tao, magsimula na tayong mag-reform sa pagpapasa ng budget.”
Ayon kay Lacson, umabot sa mahigit ₱100 bilyon ang individual insertions ng mga senador para lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura kabilang ang flood control. Sinabi niyang nakakuha siya ng dokumentong naglalaman ng mga kongresistang nagsingit ng pondo para sa DPWH, na binubuo ng ilang pahina at nakaayos sa alpabeto.
Iginiit ni Lacson na nakakuha ng napakalalaking insertion ang DPWH sa 2025 budget dahil umano sa pakikipagsabwatan ng ilang mambabatas sa tiwaling opisyal ng DPWH upang makakuha ng kickbacks. Ayon sa kanya, nangyari ito kahit mas malaki pa ang inilaan sa DPWH kaysa sa sektor ng edukasyon, na aniya’y salungat sa 1987 Konstitusyon.
“Nandoon ang mga suki, nandoon ang matagal kausap ang District Engineer at si dating Undersecretary Roberto Bernardo. Yan ang pattern. Kaya nga umabot sa sukdulan ang nilampasan pa ng DPWH ang education sector kasi nandiyan ang suki, kalakaran at kausap so gusto nila punuan ng punuan. Yan ang hindi katanggap tanggap kasi lumabas na sa sukdulan,” ayon kay Lacson.
Dagdag niya, kahit nakatengga at tinag na “For Later Release” ang malaking bahagi ng insertions, maaari pa rin itong makaapekto sa ekonomiya dahil posibleng hindi mapondohan ang mga proyektong maayos na na-vet.
“That is the reason why we need to be totally transparent in the budget deliberations of the 2026 budget measure, especially during the period of individual amendments in plenary. The Senate must lead the way in this regard, at least by revealing the identities of the proponents of such individual amendments,” aniya.
Dagdag pa niya, itatanong niya sa budget deliberations kung bakit pinayagan ang insertions at kung magkano na ang nailabas at naipatupad, at nanawagan siya ng self-restraint sa paglalagay ng locally funded infrastructure items sa DPWH, DepEd at DOTr.
Sinabi rin ni Lacson na naudlot ang nakatakdang pulong noong Biyernes ng pamunuan ng Senado at Kamara dahil sa masamang panahon, at nakatakda sana siyang manawagan ng “self-restraint,” lalo na sa mga local infrastructure projects na dumaraan sa District Engineering Offices.

