Calendar
Sanggol na patay iniluwa ng sapa
MALOLOS CITY, Bulacan–Isang patay na babaeng sanggol ang nakitang palutang-lutang ng mga awtoridad sa Brgy. Caingin ng syudad na ito noong Pebrero 7.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director P/Brig. Gen. Ponce Penones Jr., isang Jeffrey Esguerra, 46, ang nag-report sa mga awtoridad tungkol sa walang-buhay na sanggol na palutang-lutang sa sapa.
Nang rumesponde ang mga pulis, natagpuan ang sanggol na babae na nakatihaya sa tubig at may nakakabit pang inunan at pusod.
Hiniling ng mga pulis ang tulong ng Bulacan Forensic Unit upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen at magsuri upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ng sanggol.
Sinimulan ng mga awtoridad ang record checking sa mga buntis sa Brgy. Caingin upang makatulong sa pagkakakilanlan ng posibleng responsable sa insidente.

