Calendar
Sapat na gamot vs leptospirosis para sa mga magsasaka ipinanawagan ni Sen. Pangilinan
NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Health na tiyaking may sapat na gamot kontra leptospirosis sa farming communities dahil mas mataas ang panganib ng sakit sa mga magsasaka tuwing tag-ulan.
Hindi dapat mapabayaan ang mga magsasaka habang nagtatrabaho sila para makatulong sa suplay ng pagkain ng bansa, ayon sa senador.
“Bilang ating mga frontliners na sumisigurong mayroon tayong pagkain araw-araw, hindi tama na nasa bingit pa sila ng kamatayan o sinasakripisyo ang kanilang kalusugan para lang makapag trabaho,” ani Pangilinan.
Hinimok niya ang DOH na tiyaking may sapat na supply ng treatment medicines laban sa leptospirosis sa mga rural health unit, lalo na sa mga agricultural communities na madalas bahain.
Nanawagan din si Pangilinan ng mas malawak na public health information campaign upang gabayan ang mga magsasaka at residente sa kanayunan tungkol sa pag-iwas, mga maagang sintomas, at kahalagahan ng agarang pagpapatingin matapos ang posibleng pagkakalantad.
Nakapagtala ang DOH ng 2,177 kaso ng leptospirosis mula Enero 4 hanggang Hunyo 6, 2026, mas mataas ng 6 percent kumpara sa parehong panahon noong 2025.
Sinabi ng health officials na karamihan sa mga kaso ay mga magsasakang nalantad sa putik at tubig na maaaring kontaminado ng ihi ng infected animals.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha sa floodwater, putik, lupa, o halaman na kontaminado ng ihi ng infected animals. Maaaring magsimula ang sintomas sa flu-like illness, ngunit maaari itong mauwi sa mas malubhang komplikasyon kung hindi maagapan.
