Tulfo

Sen. Raffy: Underpass project sa GenDan di pa tapos

427 Views

BINATIKOS ni Sen. Raffy Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, ang pag-award at implementasyon ng ₱657-milyong Mabuhay Underpass National Highway project sa General Santos City na nananatili umanong hindi tapos.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Tulfo na sinimulan ang proyekto noong Hunyo 23, 2022 at nakatakda sanang matapos noong Setyembre 2024 ngunit nananatiling nakabinbin.

Ayon sa kanya at sa reklamo ng mga residente, ilang buwan nang walang aktibidad, mali-mali ang pagkakalagay ng column bases, hindi pantay ang kalsada, nagkalat ang materyales, at delikado ang mga daanan.

“Isa sa talagang nakaka-bahala na reklamong tinugon sa akin ay ang Mabuhay Underpass National Highway sa Gen. Santos City,” aniya.

Idinagdag pa ni Tulfo na reklamo ng mga residente na ang trapik ay hindi sanhi ng kakulangan sa imprastraktura kundi ng poor traffic management. “According to the people of GenSan, the traffic they experienced was really due to poor traffic management. Therefore, the underpass was actually unnecessary,” dagdag pa niya.

Ayon kay Tulfo, diumano’y nagpalagay pa ng LED walls ang proponent upang gawing tourist destination ang underpass. “Sa katunayan, sabi ng proponent ng proyekto, pinalagyan niya ng LED walls ang underpass dahil gusto niya itong maging tourist destination,” aniya.

Binigyang-diin niya na hindi ito simpleng delay kundi isang “economic and social disaster.”

Ayon kay Tulfo, inihalintulad umano ng mga residente ang underpass sa fishpond dahil sa pagpasok ng tubig kahit walang ulan. Dagdag pa niya, umano’y puno ng lubak ang mga bukas na lane at lalong lumala ang trapiko.

Sinabi ni Tulfo na magsasagawa ng pagdinig ang Senado sa Huwebes, Setyembre 18, upang imbestigahan ang isyu at papanagutin ang kontraktor at mga opisyal ng DPWH na sangkot.