Senado aprubado publikong pagdinig sa 2026 badyet

298 Views

ISANG makasaysayang resolusyon ang pinagtibay ng Senado na nagtatakda ng pagbubukas sa publiko ng mga deliberasyon sa pambansang badyet para sa 2026.

Layunin ng Senate Concurrent Resolution No. 4 na palakasin ang transparency sa pamamagitan ng pagbibigay ng malayang akses sa mga dokumento at proseso ng pagtalakay sa badyet.

Nagkakaisang inaprubahan ng 24 na senador, ang resolusyon na nag-uutos ng online na paglalathala ng mahahalagang dokumento gaya ng transcript ng mga pagdinig sa komite, technical working group meetings, ulat ng Committee on Finance sa General Appropriations Bill (GAB), at opisyal na journal ng mga deliberasyon sa plenaryo.

Kasama rin dito ang mga amyendang inaprubahan sa ikatlong pagbasa.

Gagawa rin ang Senado, katuwang ang Kamara, ng isang detalyado at komparatibong matrix na tutunton sa lahat ng pagbabagong ginawa sa GAB.

Ilalathala ito sa format na madaling mabasa at maproseso ng teknolohiya upang mas mapadali ang pagsusuri ng publiko.

Bukod pa rito, inatasan ang Senado na i-livestream at i-archive ang lahat ng deliberasyon, kabilang ang pagpupulong ng bicameral committee.

Itatatag rin ang isang online platform na tatanggap ng opinyon, pagsusuri, at mungkahi mula sa mga mamamayan kaugnay ng pambansang badyet.

Ang resolusyon ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address para labanan ang maling paggamit ng pondo.

Binigyang-diin niya ang isyu sa mga proyektong flood control na aniya ay “palpak at gumuho, at ‘yung iba guni-guni lang.” Dagdag pa niya: “Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Iginiit din ng Pangulo ang kanyang paninindigang i-veto ang anumang panukalang badyet na hindi tumutugma sa National Expenditure Program, kahit mangahulugan ito ng paggamit muli sa 2025 budget: “Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino.”

Batay sa pagtaya ng Department of Budget and Management (DBM), aabot sa ₱6.793 trilyon ang 2026 National Expenditure Program.

Samantala, pumalo sa ₱11 trilyon ang kabuuang panukala ng mga ahensya, na nagbunsod ng mas malakas na panawagan para sa fiscal vigilance.

Habang malinaw ang hakbang ng Senado para sa transparency, inaasahan pa kung ang Mababang Kapulungan ay magpapatibay rin ng katulad na panukala.