Impeachment

Senado hati pananaw sa impeachment trial ni VP Sara

378 Views

HATI ang pananaw ng mga miyembro ng Senado kaugnay ng pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kasunod ng kautusan ng Korte Suprema na pansamantalang ipatigil ang pagdinig.

Iginiit ni Senador Bam Aquino na hindi dapat maantala ang proseso.

Ayon sa ulat ng Radyo Patrol, binigyang-diin ni Aquino ang obligasyon ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon bilang tagapagsagawa ng impeachment trials.

Aniya, kailangang magpulong ang mga senador upang pag-usapan ang epekto ng desisyon ng Korte.

Sinabi niya na, “ang Senado ay may sariling kapangyarihan bilang isang co-equal branch. Hindi ito dapat basta-basta patigilin.”

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senadora Risa Hontiveros sa naging hakbang ng Korte Suprema.

“With all due respect, nakakadismaya itong biglaang pagpigil ng Korte Suprema sa pagdaraos ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte,” aniya.

Tinuligsa ni Hontiveros ang aplikasyon ng tinatawag na “one-year bar rule,” na ayon sa naunang desisyon sa kasong Gutierrez vs. House of Representatives, ay ukol sa tiyempo ng impeachment at hindi sa dami ng reklamo.

“Isa sa ipinagtataka natin ay kung paano naviolate ang ‘one year bar rule’ ngayong iisa lang naman ang kaso na iniakyat sa Senado,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Hontiveros, may pangamba siyang baka maging hadlang ang ruling na ito sa mga susunod na pagtatangkang papanagutin ang matataas na opisyal.

“I can only hope that this new ruling will not adversely affect future efforts to hold our highest public officers accountable,” aniya.

Sa kabilang panig, sinabi ni Senadora Imee Marcos sa isang panayam sa radyo na kailangang igalang ang desisyon ng Korte Suprema at hinikayat ang Senado na ituon ang pansin sa paggawa ng mga batas.

Samantala, ibinahagi ni Senador Vicente Sotto III na may legal na opinyon siyang natanggap na nagsasabing maaaring hindi obligado ang Senado na sumunod sa utos ng Korte.

Aniya, pag-aaralan pa niya ito upang matukoy kung ano ang pinakamainam na hakbang.

Naalala ng ilan ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, kung saan ipinagpatuloy ng Senado ang paglilitis kahit may inilabas na restraining order ang Korte Suprema.

Inaasahang uunahin ng Senado ang masusing deliberasyon sa usapin sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso.