Senado

Senado sa SC ruling may gusto, may ayoko

345 Views

NAGKAKAROON ng hindi pagkakaunawaan sa Senado matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa panig ni Senador Bam Aquino, iginiit niyang nagsimula na ang proseso ng impeachment kaya’t nararapat lamang itong ipagpatuloy, alinsunod sa papel ng Senado sa ilalim ng Saligang Batas.

“The impeachment court was already convened at nasa kamay na ng Senado ang impeachment,” pahayag ni Aquino sa isang panayam sa ANC. Dagdag pa niya, “Hindi dapat nanghihimasok dito ang ibang mga co-equal branches of government.”

Ipinunto ng senador na naghahanda na ang Senado para sa presentasyon ng mga ebidensya matapos ang State of the Nation Address ng Pangulo. “Naghahanda na ang lahat, kahit kami sa aming opisina,” ani Aquino.
Ayon pa sa kanya, aktibo nang gumagalaw ang proseso mula pa noong ika-19 na Kongreso. “Para sa akin, mahalaga na mapagpatuloy… at makita ang ebidensya… makapag-husga kami.”

Dagdag pa ni Aquino, kasalukuyang sinusuri ng kanilang mga abogado kung binago ba ng Korte Suprema ang naunang doktrina kaugnay ng panuntunang isang impeachment complaint lamang kada taon. “Yung mga lawyers namin inaaral na kung binago ba nila yung doktrina pagating sa pagpa-file ng impeachment,” aniya.

Sa kabilang banda, nanawagan sina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Alan Peter Cayetano ng kalmado at pagkilala sa awtoridad ng Korte Suprema.

“Regardless of what the Supreme Court’s decision will be, we must respect it because otherwise, the biggest loser will be the rule of law,” saad ni Lacson sa isang panayam sa DWIZ. “The Supreme Court is the highest court of the land, and if we do not follow its ruling… there will be chaos.”

Binigyang-diin ni Lacson na ang Korte Suprema ang siyang may huling kapangyarihang magpaliwanag ng Konstitusyon. “We can expect no interpretation of the law other than the Supreme Court,” aniya. Ipinabatid din niyang susunod siya sa magiging pasya ng mayorya sa Senado kung itutuloy ang paglilitis, ngunit magpapaliwanag siya ng sarili niyang posisyon sa oras ng pagboto.

Samantala, sinabi naman ni Senador Cayetano: “After the Supreme Court got all of the facts, definite ang kanilang statement.”

Tinukoy niyang muling pinagtibay ng desisyon ang umiiral na batas ukol sa limitasyon ng isang impeachment complaint bawat taon. “We are for accountability, we are for process,” dagdag niya, sabay sabing sinusuportahan niya ang hakbang ng Senado na muling suriin ang sitwasyon bago gumawa ng pinal na aksyon.

Sa panig ng Kamara, iginiit nila na ang impeachment ay isang tungkuling itinakda ng Saligang Batas. Ayon sa mga ulat, sinabi ng mga kinatawan na gagamitin nila ang lahat ng legal na hakbang upang mapanatili ang kanilang konstitusyonal na mandato. Binigyang-diin nila na “accountability should never be optional, no matter how high the office,” at inilarawan ang kanilang paninindigan bilang “constitutional fidelity” at hindi pagsuway.

Sa kabilang panig, ikinatuwa naman ng legal team ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang naging desisyon ng Korte Suprema. Anila, pinagtibay nito ang kanilang posisyon na ang reklamo ay “constitutionally infirm.” Iginiit nilang ang desisyon ay tagumpay para sa rule of law at isang paalala sa mga limitasyon ng proseso ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon. Dagdag nila, handa silang sagutin ang mga akusasyon sa tamang panahon at sa tamang forum.