Shabu nakuha sa lalaki, kasabwat, laglag sa parak

Bernard Galang Nov 28, 2025
224 Views

CAMP OLIVAS, San Fernando, Pampanga — Inaresto ng Police Regional Office 3 (PRO-3) noong Huwebes ang isang pinaniniwalaang tulak at isang kasabwat na may dalang mahigit P700,000 ng shabu sa buy-bust sa Olongapo City.

Sa ulat kay PRO-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ni Olongapo City police director Col. Ritchie Claravall ang mga suspek na sina alyas Jun, 60; at kasabwat na si Libay, 50.

Isinagawa ang operasyon kung saan nahuli ang dalawa sa Brgy. East Tapinac ng Olongapo City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU).

Nasamsam sa operasyon ang 105 na gramo ng shabu at may halagang P714,000 kasama ang marked money at boodle money na ginamit sa buy-bust.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).