Calendar
Signal No. 4 nakataas sa Calamian, Cuyo Islands, Antique, Iloilo, Guimaras
LIMANG lugar ang nasa ilalim pa rin ng Signal No. 4 habang nananatili ang lakas ng Bagyong Tino habang palapit sa ibabaw ng Sulu Sea, sinabi ng Pagasa nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ng Pagasa, alas-4 ng hapon, namataan si Tino sa paligid ng Patnongon, Antique.
Dala nito ang maximum sustained winds na 130 kilometer per hour (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 180 km/h, at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Batay sa 5 p.m. weather bulletin, nakataas ang Signal No. 4 sa Calamian at Cuyo Islands sa Luzon; Antique; Iloilo at Guimaras sa Visayas.
Sinabi ng Pagasa na ang pag-alon ng Northeast Monsoon (Amihan), shear line at ang trough ng Tino ay magdadala ng malakas na bugso ng hangin sa Luzon, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Biliran, Leyte, at Zamboanga Peninsula, na hindi nasa ilalim ng Wind Signal.
Inaasahang lalabas si Tino sa Sulu Sea nitong Martes ng hapon o gabi at tatahakin ang hilagang bahagi ng Palawan sa madaling araw ng Miyerkules.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang isa pang tropical cyclone na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na maaaring umabot sa super typhoon category sa weekend.
Ayon sa Pagasa posibleng pumasok sa PAR ang panibagong bagyo sa weekend na tatawaging Uwan.
Base sa forecast track nito, inaasahang lalakas ang Bagyong Uwan bilang typhoon sa Nobyembre 6 at aabot sa super typhoon category sa katapusan ng linggo habang binabaybay ang Philippine Sea.
Ayon sa Pagasa mataas ang posibilidad na mag-landfall ang nasabing bagyo sa kalupaan ng bansa ngunit hindi pa natutukoy sa ngayon ang eksaktong lugar na posibleng tatamaan nito.

