Calendar
Kulay asul ang dugo ng mga Pilipino
PARA kay 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado, ang kulay ng dugo ng mga Pilipino ay hindi pula kundi asul.
Ito ang nilalaman ng mensahe ni Oducado bilang guest speaker sa ginanap na pagtitipon ng United Maritime Industry kung saan ipinahayag nito na kaya kulay asul at hindi pula ang kulay ng dugo ng mga Pilipino ay dahil tayo ay konektado sa karagatan.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang maritime industry ay isa sa mga pangunahing ikinabubuhay ng mga Pilipino sapagkat napakaraming mamamayan ang nangangarap na makasampa sa barko at makapag-layag sa karagatan balang araw.
Dahil dito, sinabi ni Oducado sa mga maritime students na dumalo sa naturang okasyon na may magandang kinabukasan ang naghihintay para sa maritime industry kung magkakatulungan lamang ang lahat upang mas lalo pang pagandahin at paunlarin ang larangan ng maritime sa tulong ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga panukalang batas para dito.
Hinahamon din ni Oducado ang mga mag-aaral na gawin nila ang kanilang tungkulin bilang mga Pilipino seamen ng may karangalan kalakip ang buong dedikasyon at pagmamahal para sa maritime industry.
“A lot of People will say that the Filipino blood is red but I intend to disagree. The Filipino blood is blue it is because we are connected by the sea. I think we have a better future ahead if we work together, to the students I hope you consider this not just an obligation but I want you to take every single act or duty with due diligence, but more importantly with passion,” wika ni Oducado.
Nagpahayag naman ng paghanga si Oducado para mga Pilipinong marino dahil sa kabila ng napakalaking hamon na kanilang sinusuong sa tuwing sila ay maglalayag, nananatili silang matatag at nagpapakita ng dedikasyon sa kanilang tungkulin.

