Sotto

Sotto handang mawala sa pwesto sa BRC kung babalik si Lacson

188 Views

HANDA umano si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mawala sa kanyang puwesto kung babalik si Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, dahil para sa kanya, higit na mahalaga ang katapatan at tiwala ng taumbayan kaysa sa politika.

Ito ay matapos ipahiwatig ni Lacson na posibleng tanggapin muli ang posisyon sa gitna ng matinding panawagan mula sa publiko. “Ang clamor ng mga publiko na naririnig ko, apparently nakakarating sa kanya. So at this point I think it’s a yes,” pahayag ni Sotto, na nagsabing magpupulong ang majority bloc upang pagdesisyunan ito.

Binigyang-diin ni Sotto na anumang posisyon ang hawakan niya, magpapatuloy ang kanyang serbisyo. “Basta ako kahit anong puwesto ibigay sa akin sa Senado, magtatrabaho ako. Whether maging Blue Ribbon chairman si Sen. Lacson o ako hindi na Senate President, pareho rin ang gagawin naming trabaho,” ayon sa kanya.

Suportado rin ni Sotto ang pagbabalik ni Lacson, na aniya’y may kakayahang palakasin ang mga imbestigasyon sa katiwalian. “Naniniwala ako na susuportahan ng publiko ang anumang hakbang laban sa korupsiyon,” dagdag pa ng Senate President.

Ayon kay Sotto, nakatakdang ipagpatuloy ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa mga iregularidad sa flood control projects sa ikalawang linggo ng Nobyembre. “Probably we would be holding it second week of November,” aniya.

Matatandaang nagbitiw si Lacson sa puwesto matapos umano ang pagkadismaya ng ilang kasamahan sa paraan ng pagdinig sa naturang isyu, ngunit muling lumakas ang panawagan para sa kanyang pagbabalik dahil sa kanyang reputasyon bilang masugid na tagapagbantay ng kaban ng bayan.

“Makakaasa ang publiko na itutuloy ng Senado ang laban sa katiwalian, kahit sino pa ang mamuno,” giit ni Sotto.