Calendar
Sotto kinondena fake news na nagtutulak siya ng bagong buwis
MARIING kinondena ni Senate President Vicente Sotto III ang mga post sa social media na umano’y nagsasabing siya ay nagtutulak ng panibagong buwis.
Bago nag-adjourn ang Senado, nilinaw mismo ni SP Sotto na may ilang grupo umanong nagpapakalat ng maling impormasyon upang siraan ang tiwala ng publiko sa pamunuan ng Senado.
“In my 24 years in the Senate, I have never proposed any tax measures. In fact, I have consistently voted against them. For the peddlers of fake news, ipagdarasal ko na lang kayo,” pahayag ni Sotto, kasabay ng panawagang mag-ingat ang publiko sa mga mapanlinlang na post.
Aniya, simula pa noon ay tinututulan niya ang mga panukalang makapagpapabigat sa karaniwang mamamayan at nagbabala laban sa maling impormasyon na maaaring makasira sa reputasyon ng mga mambabatas.
Dagdag pa niya, “I have always stood for fiscal responsibility and fair treatment of taxpayers,” ayon sa mga ulat.
Batay sa mga ulat ng Senado at mainstream media, kumalat ngayong linggo ang mga post na nagsasabing pabor si Sotto sa pagtaas ng buwis kaugnay ng panukalang pambansang badyet para sa 2026.
Nilinaw ng Senate staff at mga fact-checking group na walang ganitong panukala sa ilalim ng kanyang pangalan.
Nanawagan din si Sotto sa publiko na tiyaking tama ang impormasyon bago ito ibahagi sa social media. “Misinformation can erode trust in government institutions and public discourse,” aniya, sabay panawagan na tanggihan ang mga gawa-gawang balita.
Sa parehong sesyon, nagkasundo ang mga senador na ipagpatuloy sa susunod na linggo ang pagtalakay sa panukalang pambansang badyet para sa 2026.
Ayon kay Sotto, nananatiling nakatuon ang Senado sa maayos na pag-apruba ng badyet na may ganap na transparency at pagsunod sa Konstitusyon.

