Calendar
Sotto payag amyendahan ’87 Constitution
PAYAG na ni Sen Vicente “Tito” Sotto III na amyendahan ang Saligang Batas at inilahad ng senador na bukas na siya ngayon sa pag-amyendang 1987 Konstitusyon.
Isa sa mga dahilan na kanyang binanggit ay ang pagbibigay ng mas malawak na oportunidad sa kabataan, partikular na sa mga millennial at GenZ, na makibahagi sa pamumuno ng bansa.
Mungkahi ni Sotto: ibaba ang minimum age requirement sa pagtakbo bilang pangulo mula 40 pababa sa 35 taon at sa mga gustong maging senador mula 35 pababa sa 30 taon.
Iginiit din ng dating Senate President ang pangangailangan ng pag-amyenda upang mapanatili ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.
Bunsod ito ng kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“If the Supreme Court decision stands,” babala niya, “we need to amend the Constitution.”
Tinuligsa ni Sotto ang desisyon ng Korte Suprema na aniya’y “practically amended the Constitution” sa pamamagitan ng pagpapahirap sa proseso ng impeachment at paglalagay ng mga “impossible” na rekisito.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t bukas sa pagsusuri at pagrebisa, ipinabatid niya na tutol pa rin siya sa mga mungkahing alisin ang term limits ng mga halal na opisyal.
Aniya, dapat iwasan ang mga hakbang na maaaring magdulot ng hinalang nais lamang manatili sa kapangyarihan ang ilang politiko.
Ayon pa kay Sotto, mas pinapaboran niya ang Constitutional Convention kaysa Constituent Assembly bilang mekanismo sa pag-amyenda ng Saligang Batas, dahil umano sa mas mataas na tiwala ng publiko rito at sa mas malinaw na interpretasyong legal.
Binigyang-linaw rin niya na dapat maganap ang hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara sa mga constitutional amendments, alinsunod sa nilalaman ng Konstitusyon.
Sa kabila ng mga mungkahing ito, nilinaw ni Sotto na wala pa siyang isinusumiteng panukalang batas ukol sa charter change at hindi rin siya bahagi ng anumang komite na may kinalaman sa isyu.
Ayon sa kanya, pangunahing prayoridad niya ngayon ang paghintay sa magiging pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng isinumiteng motion for reconsideration.

