Hernandez

SP Sotto nag-utos ng paglipat kay Brice Hernandez sa Pasay City Jail

355 Views

NAGLABAS ng kautusan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ilipat si Brice Ericson Diaz Hernandez, na na-cite in contempt ng Senado, mula PNP Custodial Center sa Camp Crame patungo sa Pasay City Jail matapos ang halos maghapong debate ng mga senador nitong Miyerkules.

Iginiit ni Sotto na saklaw pa rin ng Senado ang kustodiya ni Hernandez: “He’s still under custody of the Senate,” aniya. Kasabay nito, inatasan niya ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) na higpitan ang mga panuntunan sa pagdalaw at limitahan lamang ito sa pamilya, abogado, at isang pari, na may kalakip na detalyadong logbook para sa accountability.

Nagkaroon ng magkakaibang pananaw ang mga senador kung saan dapat manatili si Hernandez—kung sa PNP Custodial Center, ibalik sa detention room ng Senado, o ilipat sa ibang kulungan.

Para kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, hindi dapat magpaimpluwensiya ang Senado: “As we speak, the jurisdiction of the person of Brice Hernandez belongs to the Senate… We should be independent from them. Hindi natin sila dapat sundin kung anong kagustuhan nila. We have to stand on our own.” Aniya, walang testigong napa-pressure sa Senado kumpara umano sa ilang kaso sa Kamara.

Nagpahayag naman ng pag-aalala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa magiging precedent ng desisyon: “Under the present rule, kung sino may jurisdiction, siya ang magdedesisyon… shouldn’t we keep the old rule na kung sino may custody, yan ang mag-keep ng custody niya?”

Giit niya, maaaring maulit ito at gamitin ng iba pang testigo upang umiwas sa Senado, bagay na makaaapekto sa imahe ng institusyon lalo na’t live na nakita ng publiko ang pagtutol ni Hernandez na bumalik sa Senado.

Samantala, ipinaliwanag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang kaibahan ng legal custody at physical custody. “As long as the Senate retains the legal custody over the person of Brice Hernandez, the physical custody is of no moment,” aniya.

Idinagdag pa niyang dati nang nakasanayan na ikommit sa city jail ang mga na-cite in contempt ng Senado.

Sa panig ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, ang pananatili ni Hernandez sa Camp Crame ay bunga ng “intervening events” matapos ang liham ni Sotto noong Setyembre 8 na pumapayag na makadalo siya sa Kamara. “We will guarantee that he’s safe even if he’s in the Senate… but there might be a perception that if he’s here, he might be influenced by someone,” paliwanag niya.

Ngunit ayon kay Sen. Rodante Marcoleta, mas ligtas na ibalik agad si Hernandez sa Senado: “He should be back immediately to the custody of the Senate, not only because this was the condition given, but also to erase the perception that if he is here in the Senate, he is not safe.”

Naging sentro rin ng usapan ang tawag mula kay Speaker Martin Romualdez habang may pagdinig sa Kamara, kung saan inilahad ang pangamba ni Hernandez.

Ayon kay Sotto, bilang parliamentary courtesy, inilipat niya ito sa Camp Crame ngunit nananatili pa ring hawak ng Senado ang legal na kustodiya. Dahil dito, nagdaos ng closed-door caucus ang mga senador upang pagdesisyunan ang isyu.

Sa huli, pinagtibay ni Sotto ang pinal na hakbang: ikulong si Hernandez sa Pasay City Jail, kasabay ng patuloy na pananagutan ng Senado sa kanyang legal na kustodiya.