Konseho

Sesyon ng Konseho ng Maynila maraming napagtagumpayan

Edd Reyes Sep 10, 2025
207 Views

MAY bagong pinuno ng pampublikong kalusugan at pagpapasa ng mahalagang resolusyon sa Maynila pagkatapos ng 13th regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila na pinangunahan ni Vice Mayor Chi Atienza.

Itinampok sa sesyon ang pagtanggap ng mayorya ng mga konsehal kay Dr. Grace Padilla bilang bagong City Government Department Head III ng Ospital ng Tondo.

Umani ng suporta mula sa mga konsehal ang pagkakatalaga sa bagong tungkulin ni Dr. Padilla lalu na’t naging kapuri-puri rin ang kanyang ibinigay na serbisyo bilang dating director ng Santa Ana Hospital noong panahon ng pandemyang dulot ng Covid-19.

Ang malawak niyang karanasan ang dahilan upang makuha ni Dr. Padilla ang award for Excellence in Maternal and Child Care mula sa World Health Organization (WHO).

Ayon kay Councilor Dr. Irma Alfonso, kapuri-puri si Dr. Padilla sa mga alalahanin sa kalusugan ng publiko ng 24/7, habang ibinahagi ni Majority Floor Leader Mon Yupangco kung paano siya inasikaso ng doktora nang tatlong ulit siyang tamaan ng Covid-19.

Sa panig ni VM Atienza na siya ring Director ng Kababaihan ng Maynila at nagsusulong ng pagtataguyod ng pamumuno ng kababaihan, ang pagkakatalaga kay Dr. Padilla ay isang tagumpay para sa kalusugan ng publiko na angkop sa layuning maging dakilang muli ang Maynila.