Calendar
Speaker Dy inihayag suporta sa mga magsasaka
MULING ipinahayag ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang matibay na suporta sa kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka, at tiniyak sa kanila na palaging bukas ang House of Representatives para sa sektor ng agrikultura at iba pang mga marginalized na grupo.
Ginawa ni Dy ang pahayag sa isang pulong kasama ang mga magsasaka mula Nueva Ecija, Pangasinan, at Isabela, na pinangunahan ni dating Agrarian Reform Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano. Nag-courtesy call ang grupo sa opisina ng Speaker nitong Martes upang talakayin ang kanilang mga mungkahi para sa pagpapabuti ng crop insurance at mga programang pangkabuhayan.
Bilang kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Isabela at dating gobernador ng lalawigan, sinabi ni Dy na ang kanyang mataas na paggalang sa mga magsasaka ay nakaugat sa kanyang karanasan sa pamumuno sa isang probinsyang nakasandal sa agrikultura.
“Ang bumubuhay at sigla ng probinsya ng Isabela ay ang ating masisipag na magsasaka. Kaya mataas po ang aming respeto at pagkilala sa kanila. Lagi naming tinutugunan ang kanilang pangangailangan at hamon—mula sa lupa, tubig, hanggang sa kabuhayan,” aniya.
Ipinahayag ng mga magsasaka ang buong suporta nila sa panawagan ni Dy na ibalik sa 35% ang rice import tariff rate mula sa kasalukuyang 15%, dahil makakatulong ito upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa pagdagsa ng imported na bigas.
Ayon sa grupo ng mga magsasaka, ito ang unang pagkakataon nilang makaharap nang personal ang isang kasalukuyang Speaker ng Kamara at makapasok sa kanyang opisina.
“Sulit po ang biyahe namin mula madaling araw. Ngayon lang kami nakapasok sa opisina ng Speaker at ramdam namin ang malasakit niya sa mga magsasaka,” pahayag ng isang miyembro ng grupo.
Malugod na tinanggap ni Dy ang mga mungkahing hakbang ng mga magsasaka at binigyang-diin ang mga programa ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela bilang halimbawa ng inklusibong pagpapaunlad ng agrikultura. Ilan sa kanyang binanggit ay ang mga scholarship grant para sa mga anak ng magsasaka at patuloy na suporta sa pagpapataas ng ani.
Ayon sa kanya:
“Ang mga programa namin sa Isabela ay nakatuon hindi lang sa produksyon ng ani kundi pati sa kinabukasan ng pamilya ng mga magsasaka. Ganyan din ang nais nating isulong sa pambansang antas—isang sistemang kumikilala, nagpoprotekta, at tumutulong sa ating mga magsasaka.”
Muling nanawagan si Dy na muling pag-aralan ang Republic Act No. 11203, o ang Rice Tariffication Law, upang matiyak na ito ay tunay na nagsisilbi sa interes ng mga lokal na magsasaka.
“Dapat po nating talakayin at i-revisit nang mabuti ang batas,” aniya.
Dagdag pa niya:
“Ang gusto po namin, maibalik ang kontrol ng importasyon sa Department of Agriculture, at bigyan ng prayoridad ang pagbili ng lokal bago payagang mag-angkat. Unahin muna natin ang sariling ani bago ang imported.”
Tinalakay rin sa pulong ang mga pangmatagalang pangangailangang pang-imprastraktura, kabilang na ang planong highway na mag-uugnay sa Metro Manila at Regions 2 at 3 upang mapababa ang gastusin sa transportasyon at mapabuti ang access ng mga produkto sa merkado.
“Matagal na naming pangarap ‘yan. Kung matutuloy, malaking ginhawa ‘yan sa pagdadala ng produkto. Ang contribution ng Isabela nasa 15 to 18 percent ng konsumo ng Metro Manila,” ani Dy.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, tiniyak ni Speaker Dy sa delegasyon ng mga magsasaka na mananatiling bukas ang House of Representatives sa kanilang mga hinaing at pangangailangan.
“Bukas lagi ang Kongreso sa inyo. Ang mga pintuan ng Kamara ay hindi lamang para sa mga mambabatas kundi para sa mga tunay na bumubuhay sa ating bayan—ang mga magsasaka.”

