Calendar
Speaker Dy nalungkot sa panibagong pamamaril sa S. Cotabato
MATINDING kalungkutan ang nadama ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa naganap na pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Nanawagan ang Speaker para sa mas mahigpit na seguridad at mas matibay na suporta sa kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral.
Nakababahala ang pangyayari dahil hindi ito isang hiwalay na insidente. Iyon ang pangatlong shooting incident matapos ang naganap sa Leyte, Zamboanga City. May naganap pang stabbing incident sa isang paaralan sa Las Piñas.
Iginiit ni Speaker Dy na kailangang suriin kung paano mapoprotektahan ang mga mag-aaral, hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga hakbang pangseguridad kundi maging sa pamamagitan ng pagpapalakas ng values formation, support systems at mga programang maagang nakatutukoy at nakapipigil sa karahasan.
Ayon kay Dy, dapat magkaroon ang mga paaralan ng ligtas at madaling ma-access na mga paraan upang makahingi ng tulong ang mga estudyante.
Nanawagan din si Dy sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon habang hinihintay ang kumpleto at beripikadong detalye tungkol sa insidente sa Banga.
Hiniling niyang huwag ikalat ang sensitibong mga larawan at video, gayundin ang mga hindi pa napapatunayang kwento at paratang bilang paggalang sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Bilang bahagi ng mga agarang hakbang, sinabi ni Dy na naghain sila ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng House Bill No. 11387 na naglalayong palakasin ang mga batas at safeguards kaugnay ng pagmamay-ari, pag-iingat at paggamit ng baril.
Layunin nitong maiwasan ang pagkakaroon ng access sa mga baril ng mga menor de edad at iba pang hindi awtorisadong tao.
Ayon kay Dy, makikipagtulungan ang Kongreso sa Department of Education (DepEd), mga paaralan, magulang at iba pang sektor upang maisulong ang magkakaugnay na hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nagagawa ang lahat upang maiwasang maulit ang ganitong trahedya,” diin ni Speaker Dy.

