Calendar
Abante: VP Sara lawyers delaying tactics ginagawa
INAKUSAHAN ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang mga defense lawyers ni Vice President Sara Duterte ng ng “delaying tactics” sa impeachment trial kasunod ng mga legal na hakbang kaugnay ng usapin sa bilang ng mga boto na kailangan upang mahatulan ang Bise Presidente.
Si Abante ay nagpahayag nito habang naghahanda ang Senate impeachment court para dinggin ang mga argumento hinggil sa pinagtatalunang vote threshold para sa conviction ni Duterte.
“Akala ko ba gusto nilang pabilisin? Eh bakit parang sila pa nagde-delay?” sabi ni Abante.
Ayon kay Abante, kabilang sa maaaring magpabagal sa paglilitis ang kahandaan ng kampo ni Duterte na dalhin sa Supreme Court ang mga legal na usaping nagmumula sa impeachment proceedings.
“Ibig sabihin, they’re delaying the proceeding. Dapat malaman ng taong-bayan, sino ba ang nagde-delay. Delaying tactic ang ginagawa ng defense lawyers,” ayon kay Abante.
Tinututulan ng kampo ni Duterte ang anumang hakbang na magbababa sa 16-vote conviction threshold na naunang itinakda ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Iginiit ng depensa na malinaw umano sa Konstitusyon na kailangan ang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng 24 na miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang impeachable official.
Nakaharap din sa motion for reconsideration ang ruling ni Escudero na inihain ni Sen. Erwin Tulfo.
Pinakinggan ng impeachment court noong Setyembre 16 ang mga retiradong Chief Justices na sina Artemio Panganiban at Reynato Puno, gayundin ang retired Associate Justice na si Adolfo Azcuna bilang amici curiae o “mga kaibigan ng hukuman.”
Nagsumite naman ng nakasulat na posisyon si retired Chief Justice Hilario Davide Jr.
Magkakaiba ang naging interpretasyon nina Panganiban, Puno at Davide hinggil sa bilang na dapat gawing batayan sa pagtukoy ng kinakailangang boto para sa conviction.
Kabaligtaran ang posisyon ni Azcuna na nanindigang dapat manatiling 24-member Senate ang batayan at nagbabala laban sa pabagu-bagong vote threshold.

