Barbers1

Senate impeachment court dapat magpasya sa bilang ng botong kailangan para mapatalsik si VP Sara–Barbers

Mar Rodriguez Sep 19, 2026
124 Views

IGINIGIIT ni House impeachment team adviser Robert Ace Barbers na ang Senate impeachment court ang dapat magpasya sa pinagtatalunang bilang ng mga botong kailangan upang mahatulan si Vice President  Sara Duterte sa impeachment trial.

Malinaw sa Konstitusyon na ang Senado ang may kapangyarihang magsagawa ng paglilitis at magpasya sa lahat ng impeachment cases kaya nasa mga senator-judge rin ang responsibilidad na resolbahin ang usapin hinggil sa vote threshold, ayon sa ex-congressman.

“Nasa kamay na ng Senado itong pagbabago ng threshold,” ang pahayag ni Barbers.

Kasalukuyang sinusuri ng impeachment court ang naunang ruling ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na kailangan ang 16 na boto upang mahatulan si Duterte.

Nagbigay ng magkakaibang interpretasyon ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon kina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr. maaaring hindi manatiling nakapirmi sa 16 ang kinakailangang bilang ng boto depende sa mga umiiral na sitwasyon na maaaring makaapekto sa paglahok ng mga senador sa paglilitis.

Ayon naman kay retired associate justice Adolfo Azcuna, dapat manatiling 24 na senador ang magiging batayan sa pagtukoy ng kinakailangang boto.

Para kay Barbers, kasama sa constitutional authority ng Senado ang pagresolba sa mga procedural question na lumilitaw habang isinasagawa ang impeachment trial.

Sinabi rin ni Barbers na maaaring magkaroon ng judicial intervention kung may alegasyon ng grave abuse of discretion o paglabag sa Konstitusyon.

“’Yan ang aming basehan kung kaya kami naniniwala na dapat ang Senado ay magkaroon ng desisyon tungkol dito sa threshold,” ani Barbers.