Magsasaka

Speaker Romualdez: Pagtigil sa rice import matapang na hakbang para magsasaka ayudahan

394 Views

IPINAHAYAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang suporta sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1.

Aniya, ito’y napapanahong hakbang upang maprotektahan ang mga magsasakang Pilipino at bigyan ng pagkakataon ang bansa na muling ayusin ang mga prayoridad nito sa seguridad sa pagkain.

“This is more than just a policy shift. This is about standing up for the Filipino farmers—about telling the world that we will not allow those who feed us to be left behind,” ani Speaker Romualdez.

Inilarawan ni Speaker Romualdez ang kautusan ng Pangulo bilang isang matapang na tugon sa lumalaking hinaing ng mga magsasaka at mga stakeholder sa sektor ng agrikultura na matagal nang nananawagan ng tulong sa harap ng pagdagsa ng murang imported na bigas na nagpapabagsak sa presyo ng lokal na palay.

Sinabi niyang ang 60-araw na paghinto sa pag-aangkat ay isang mahalagang pagkakataon upang muling buuin ang lokal na industriya ng bigas sa mas matatag na pundasyon.

“Our farmers have been struggling for too long. Every harvest season, they watch the market collapse under the weight of imported rice. This suspension gives us a chance to breathe, reset, and act decisively,” ani Speaker Romualdez.

Kinilala ni Speaker Romualdez ang babala ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na kung hindi maaamyendahan ang Rice Tariffication Law, nanganganib na tuluyang masira ang kakayahan ng bansa na magprodyus ng sariling bigas.

“When the very people who grow our food are saying they can no longer survive, we must listen—and we must act,” dagdag ng Speaker.

Muling iginiit niya ang kanyang suporta sa House Bill (HB) No. 1, o ang “RICE Act,” na layong ibalik sa National Food Authority (NFA) ang mga kapangyarihang regulasyon, bigyang-laya ang pamahalaan sa pamamahala ng imports, at magtakda ng makatarungang presyo ng palay na kinikilala ang pagsusumikap ng mga magsasaka.

“This is not about turning our backs on trade. It’s about putting Filipino food and Filipino farmers first. We must build a system that works for our people—not one that makes them casualties of globalization,” ani Speaker Romualdez.

Nanawagan din siya sa mga ahensya ng pamahalaan na gamitin ang panahon ng suspensyon upang labanan ang hoarding, manipulasyon ng presyo, at iba pang mapagsamantalang gawain na parehong nakakasama sa mga magsasaka at mamimili.

Sinabi niyang dapat magsanib-puwersa ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BoC) upang matiyak na ang mga kasalukuyang stock ng bigas ay maipapalabas nang maayos at maibenta sa presyong kayang abutin ng karaniwang Pilipino.

“At the end of the day, rice is not just a commodity—it’s the heart of every Filipino meal. When prices soar or when farmers suffer, it’s the Filipino family that feels it the most,” ani Speaker Romualdez.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na hindi makakamit ang tunay na seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng importasyon lamang.

Nanawagan siya sa Kongreso, ehekutibo, at lahat ng stakeholder na magtulungan upang muling pag-aralan at pagbutihin ang Rice Tariffication Law at gawing tunay na tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan.

“This is a moment of reckoning. We have the chance to fix a broken system—and we owe it to every farmer, every mother lining up at the palengke, every child who eats rice with tuyo or itlog for dinner. Let’s get this right,” ani Speaker Romualdez.

Tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na nakahandang makipagtulungan ang Kamara kay Pangulong Marcos upang maisakatuparan ang matapang at makataong mga reporma na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka, magpapatatag ng presyo, at titiyak sa kinabukasan ng bansa.