Bucoy Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution panel

Pag-impeach sa opisyal na tiwali pinahirapan ng pasya ng SC

237 Views

PINAHIRAP umano ng Korte Suprema na mapanagot ang mga matataas na opisyal ng gobyerno sa inilabas nitong desisyon na nagdeklara na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang sinabi ni Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng prosecution panel ng Kamara sa kaso ng impeachment laban kay Duterte, na nahaharap sa mga alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, katiwalian, panunuhol, pagtraydor sa tiwala ng publiko, at iba pang mabibigat na krimen.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni Bucoy na ang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente ay naglatag ng mga patakaran na wala naman sa Konstitusyon at lalong nagpahigpit at hindi makatarungan ang proseso.

“Sa nangyari po, sa desisyon ng Supreme Court at ito po ay ayon sa aming motion for [reconsideration], may mga isinusog na requirements na lalong nagpahirap sa impeachment. Dadaan ka ngayon sa butas ng karayom para mapanagot ang nagkasalang public official,” paliwanag ni Bucoy nang tanungin ng isang mamamahayag.

Ayon kay Bucoy, salungat sa malinaw na wika ng 1987 Konstitusyon ang desisyon ng SC at maaari nitong pahinain ang mga lehitimong pagsusumikap na papanagutin ang makapangyarihang mga opisyal.

“Ang impeachment po ay simple pero sagradong proseso. Ang ating Konstitusyon, ating Saligang Batas, hindi mo kailangan ng abogado para maintindihan ito. Plain language ‘yan. Napakasimple. Kahit ‘di abogado, maintindihan mo ‘yan,” ani Bucoy.

Tinukoy niyang isa sa mga bagong patakarang ipinataw ng SC ay ang rekisito na kailangang magkaroon muna ng kolektibong deliberasyon o plenary debate sa Kamara bago maipasa ang reklamo sa Senado.

Binigyang-diin din ni Bucoy na hinihingi na ngayon sa desisyon na ikabit ang lahat ng ebidensiya sa reklamo at ipamahagi ito sa bawat miyembro ng Kamara—isang proseso na hindi hayagang inuutos ng Konstitusyon.

Dagdag pa niya, nagtakda rin ang desisyon ng pamantayan sa ebidensiya na wala sa Saligang Batas.

Ipinahayag din ni Bucoy ang pangamba tungkol sa malabo at problematikong patakaran ng SC sa kung ano ang itinuturing na “reasonable time” para sa proseso ng impeachment.

“Ang sabi ng Supreme Court sa decision, na we argued against na may kaukulang paggalang, ‘yung reasonable time. Hindi sinabi ng Supreme Court kung ano ang reasonable time. Ang sinabi lang sa decision, we can review reasonable time once you have done it,” aniya.

“Sad to say, ‘yung accountability po nawalan ng ngipin kung susundin natin ang naging decision ng Supreme Court,” dagdag pa ni Bucoy.

Binigyang-diin niya na ang posisyon sa pamahalaan ay isang tiwala ng taumbayan, at ang labis na pagpapahirap sa pagtanggal sa mga abusadong opisyal ay salungat sa batayang prinsipyo ng demokratikong pamahalaan.

“Hindi po [katanggap-tanggap] kasi public office is a public trust. Number one ‘yan na prinsipyo. Hindi prebilehiyo na umupo ka diyan. Kaya nga they are servants of the people,” aniya, patungkol sa mga impeachable officials.

“Kayo ang nangangalaga ng interes ng sambayanan. Pinagkatiwala sa inyo ang kapakanan ng buong bansa. ‘Pag ito ay trinaydor mo, dapat managot ka,” giit pa niya.

Iginiit ni Bucoy na ang layunin ng impeachment ay hindi para protektahan ang makapangyarihang opisyal kundi upang ipagtanggol ang interes ng sambayanan.

“‘Yan ang purpose ng impeachment—to protect the body politic, not to protect the impeachable officer. It is to protect the body politic, ang sambayanan,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang isang batayang prinsipyo ng demokrasya: na sa anumang tunggalian sa pagitan ng pansariling interes at ng interes ng publiko, dapat manaig ang huli.

“Merong doktrina na if there is an incongruent interest, ibig sabihin hindi pagkakapantay ng interes ng isang tao kontra sa interes ng sambayanan, the interest of the people should tilt. It should tilt in favor of the interest of the people,” ani Bucoy.

“Dapat bigyan ng kaukulang pagpapatibay ‘yung interes ng sambayanan, hindi ‘yung isang tao,” dagdag pa niya.

Naghain na ang Kamara ng motion for reconsideration na humihiling sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon nito, sa argumentong, bukod sa iba pa, nilabag nito ang eksklusibong kapangyarihan ng Kamara na pasimulan ang proseso ng impeachment.