Calendar
Si House spokesperson Atty. Princess Abante sa press conference na ginanap sa media center ng House of Representatives umaga ng Miyerkules.
Kuha ni VER NOVENO
Kongreso tinukuran utos ni PBBM na suspendihin ang pag-angkat ng bigas sa loob ng 60 araw
IPINAHAYAG ng Kamara de Representantes ang buong suporta nito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspendihin ang pag-angkat ng bigas sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1.
Sinabi ng Kamara na ito’y napapanahon at kinakailangang hakbang, alinsunod sa pangunahing agenda ng lehislatura sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante na ang hakbang ng Pangulo ay naaayon sa isinusulong ng Kamara na tiyaking abot-kaya ang presyo at madaling makabili ng bigas ang mga pamilyang Pilipino, habang pinoprotektahan din ang mga lokal na magsasaka mula sa tumataas na gastos sa produksyon.
“Kaya nga ang House Bill (HB) No. 1 natin ay ‘yung RICE Act, ‘di ba? Kasi nga importante na matugunan ang issue ng pagsisiguro na may affordable, accessible na bigas para sa ating mga pamilyang Pilipino at patuloy na mapoprotektahan ang ating magsasaka sa tumataas na presyo,” ani Abante.
Dagdag pa ni Abante, ang 60-araw na suspensyon ay pagkakataon upang tugunan ang mga problema sa presyo ng bigas at palakasin ang suporta sa mga lokal na magsasaka sa buong bansa.
“Sana magamit din itong panahon na ito para talagang maayos ‘yung problema tungkol sa presyo ng bigas at mas mapalakas natin ‘yung suporta na kinakailangan ng ating local farmers,” aniya.
Inihain ni Speaker Romualdez sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso, layunin ng HB No. 1 o Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act na isailalim sa reporma ang National Food Authority (NFA) upang patatagin ang suplay ng bigas, pababain ang presyo sa merkado, at protektahan ang mga Pilipinong magsasaka laban sa pananamantala.
Ang panukala, na co-authored nina Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez, ay naglalayong ibalik sa NFA ang mga pangunahing kapangyarihang regulasyon, kabilang ang pagbibigay ng lisensya at inspeksyon sa mga bodega ng bigas, pagkumpiska ng mga inimbak na suplay, at pag-intervene sa merkado sa oras ng artipisyal na kakulangan o biglaang pagtaas ng presyo.
“Rice is life, and it is the soul of every Filipino family’s dining table. That is why this bill is the very first we filed in the 20th Congress,” ani Speaker Romualdez.
“It reflects our singular focus on the daily struggle of every Filipino family to put affordable food on the table, and the need to reward our farmers with fair prices for their hard work,” dagdag pa niya.
Binibigyang kapangyarihan din ng panukala ang NFA na mapanatili ang buffer stock na manggagaling sa lokal na palay at ipatupad ang floor price upang maprotektahan ang mga magsasaka mula sa pagbebenta ng kanilang produkto sa mababang halaga.
Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng multang hanggang P2 milyon, pagkakakulong, at habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
“This is a bill of accountability. Dapat managot ang sinumang nambibiktima sa kahirapan ng ating mga kababayan para lamang kumita,” ani Speaker Romualdez.
“Ito ay laban para sa kabuhayan at sikmura ng bawat Pilipino. This bill is our strongest statement yet: Hindi tayo papayag na gutom ang mamayani sa ating bayan,” diin ni Speaker Romualdez.

