Macaraeg

Sultan Kudarat PNP arestado Top 10 priority target, armas nakumpiska

Alfred Dalizon Jan 24, 2024
48 Views

ARESTADO ang isang lalaki na tinaguriang Top 10 Priority Target at nakumpiska ang hindi lisensyadong mga armas matapos na salakayin ng pinagsanib pwersa ng Esperanza PNP, Sultan Kudarat Police Drug Enforcement Unit, Sultan Kudarat Provincial Highway Patrol Team, Sultan Kudarat Provincial Explosive and Canine Unit at Regional Intelligence Division 12 ang tinutuluyan nito sa Purok Tagumpay, Poblacion Esperanza, Sultan Kudarat nito lamang Enero 19.

Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng PRO 12, ang suspek na si alyas “Michael”, 29, may asawa, tinuturing na “Top 10 Priority Target” ng Esperanza Municipal Police Station at residente ng nasabing lugar.

Ang suspek ay inaresto dakong 6:03 ng umaga nang isilbi ng mga awtoridad sa bahay nito ang search warrant na inilabas ni Hon. Allan Edwin P. Boncavil, Acting Presiding Judge ng RTC, 12th Judicial Region, Branch 19, Isulan, Sultan Kudarat.

Nasamsam sa raid ang isang yunit ng cal. 38 baril na may apat na bala at isang granada.

Paalala naman ni PBGen Macaraeg sa mamamayan na may karampatang parusa ang sinumang lalabag sa mga nagtatago ng mga hindi lisensyadong armas at mga pampasabog sa kanilang mga tahanan.

Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013 and RA 9516 or illegal possession of explosives na isang non-bailable offense.