Calendar
Suporta kay Speaker Romualdez buo, walang palitan ng liderato sa Kamara
WALA umanong pagbabagong magaganap sa liderato ng Kamara at nananatili ang suporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng iba’t ibang partido politikal, ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V.
“There is no change of leadership,” ani Ortega nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang ambush interview kung may mga tangkang patalsikin si Speaker Romualdez.
“As you can see, nagkakaisa po ang House of Representatives. Nandun po lahat ng party leaders, nandun po ang aming Majority Floor Leader [Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos), nandun po si Speaker at mga ibang Deputy Speakers,” dagdag ni Ortega, na tinutukoy ang presensya ng mga pangunahing lider sa kanilang huling pagtitipon.
Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga lider ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at Party-List Foundation Inc. (PCFI).
Nang tanungin kung ito ba ay maituturing na panibagong pahayag ng suporta para sa Speaker, binigyang-diin ni Ortega na sapat na ang mga kilos at larawan upang ipakita ang pagkakaisa sa Kamara.
“I think the photo will speak for itself na kitang-kita ng tao yung suporta ng House of Representatives saka Party Leaders,” paliwanag niya.
Itinanggi ng Deputy Speaker ang mga espekulasyon ng hidwaan sa loob at muling iginiit nang malinaw na walang nagbabago sa pamunuan.
Sa mga nakaraang linggo, kumalat ang mga tsismis hinggil sa umano’y mga hakbang para palitan ang liderato ng Kamara. Gayunpaman, ipinunto ni Ortega na walang basehan ang mga usaping ito.
“Well, maraming tsismis pero sabi ko nga, tsismis. Mga bulong-bulong. Pero as you can see, the House is one, the House is solid, and there’s no change in the leadership,” aniya.
Nang tanungin kung may konkretong tangkang patalsikin ang Speaker, sinabi ni Ortega na bagama’t talamak ang mga usap-usapan, wala namang ebidensyang nagpapatunay na may tunay na hamon.
Dumalo rin sa nasabing pagpupulong ang malaking bilang ng mga deputy speakers. Kinumpirma ito ni Ortega ngunit nilinaw na nagsasalita lamang siya batay sa kanyang sariling kaalaman.
“As far as I know, kumpleto,” aniya nang tanungin kung lahat ng deputy speakers ay naroroon.
Isa pang isyung lumutang ay ang umano’y signature-gathering campaign para sa isang bagong Speaker, ngunit muling isinantabi ito ni Ortega bilang walang basehang usapan.
“Tawag lang ‘yung naririnig ko. Tawag-tawag lang,” aniya.
Nang pinilit siyang magbigay ng detalye, nilinaw ni Ortega na second-hand lamang ang mga tawag na nabanggit at walang malinaw na pinagmulan.
“May tumatawag sa ibang members. Pero hindi rin nagpapakilala,” dagdag niya, sabay bigyang-diin na hindi ito dapat ituring na katotohanan.
“Hindi, hindi ako tinawagan eh. Sabi-sabi lang ng mga ibang members, pero nothing concrete. Parang nag-start po ito before pa ng 20th Congress. Same na mga parang sentiments. Well, most of them were using the name of the bosses, kung sinu-sinong pangalan ang ginagamit. Pero sabi ko nga, pag hearsay mahirap maniwala,” diin ni Ortega.

