Calendar
Binisita ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola ang mga Pilipino sa Arad City, timog Israel, sa larawang ito na ibinahagi ng embahada noong Biyernes (Hunyo 27, 2025). Pansamantala silang nawalan ng trabaho matapos magpasya ang mga hotel sa Dead Sea na itigil ang operasyon.
Kuha ng larawan mula sa PH Embassy in Israel Facebook
Suporta para sa mental health ng mga Pinoy sa Israel binuksan ng DOH
NAGBIBIGAY ng psychosocial support ang Department of Health (DOH) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel na apektado ng naganap na labanan sa pagitan ng Iran at Israel na nagdulot ng maraming sugatan at libu-libong nawalan ng tirahan sa bansang Hudyo.
Ayon sa DOH, mahigit 60 OFWs ang lumahok sa online counseling session na pinangunahan ni Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Sabado.
“Sa ating mga mahal na overseas Filipinos sa Israel, buong gobyerno ng Pilipinas ang nakasuporta sa inyo sa mga panahong ito. Alam namin na napakahirap ng kalagayan sa Israel,” ani Herbosa sa kanyang mensahe.
“Nandito kami upang tumulong sa abot ng aming makakaya at magbigay ng taos-pusong lakas ng loob. Alamin ninyo na palagi kaming nandito para sa inyo at patuloy naming hinahanap ang mga paraan upang makatulong.”
Anim na psychiatrist at labing-isang psychosocial facilitators ang dumalo sa online session upang personal na tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa pamamagitan ng breakout rooms.
Plano ng DOH na magsagawa muli ng mga ganitong session tuwing dalawang linggo, depende sa pangangailangan ng mga pasyente.
Ang inisyatibang ito ay katuwang ang Mariveles Mental Health and Wellness General Hospital, Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Migrant Workers.
Nagsagawa rin ang Philippine Embassy sa Israel ng libreng online psychosocial counselling noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa datos ng DFA, 146 Pilipino ang nawalan ng tirahan dahil sa mga missile strikes, at 128 na ang nailipat sa pansamantalang mga shelter.
Isa ang nasa kritikal na kondisyon mula sa walong Pilipinong nasugatan dulot ng labanang Iran-Israel, na nagsimula nang ilunsad ng Tel Aviv noong Hunyo 13 ang kampanyang militar laban sa mga nuclear sites ng Tehran na tinawag na Operation Rising Lion.
Batay sa datos ng embahada, 146 bahay ng mga Pilipino sa Israel ang nasira, at 128 na ang nailipat sa pansamantalang tirahan.
Hindi bababa sa 26 OFWs ang kusang-loob nang umuwi, habang higit 100 Pilipinong peregrino at estudyante ang naipauwi na rin.
Ayon sa DFA, 75 ang kumpirmadong sasali sa susunod na batch ng repatriation. May 353 pang kahilingan para makauwi, ayon sa embahada.
Sa ngayon, nakatulong na ang Philippine Embassy sa Israel sa 564 Pilipino sa iba’t ibang paraan tulad ng emergency financial assistance, pansamantalang tirahan, at relief packages na naglalaman ng pagkain, damit, at mga produktong pangkalinisan.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Israel at hinihikayat pa rin ang mga Pilipino na mag-voluntary repatriation. Philippine News Agency

