Calendar
Magsino suportado malawakang repatriation plan para sa OFWs

KINAKATIGAN ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang mungkahi ng kapwa nito kongresista na kinakailangang magkasa ang pamahalaan ng isang malawakang “repatriation plan” para sa lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel at Iran.
Pagbibigay diin ni Magsino na dapat ilunsad na ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang massive repatriation plan para sa kaligtasan ng mga OFWs sa Gitnang Silangan.
Ipinaliwanag ng kongresista na masyado ng nakakabahala ang tensiyonadong sitwasyon sa Israel at Iran bunsod ng sumiklab na digmaan kaya kailangan ng kumilos ang DMW, OWWA at DFA upang ilikas ang mga OFWs para hindi sila maipit sa giyera.
Bagama’t hindi na siya makakasama sa roster ng mga mambabatas sa ilalim ng 20th Congress, hinihiling ni Magsino liderato ng Kamara de Representantes ang paglalaan ng supplemental funding para sa gagawing repatriation plan.
Ikinababahala din ni Magsino na posibleng mas lumala pa ang sigalot sa pagitan ng Israel at Iran sapagkat ang kanilang alitan ay hindi matatawag na “bilateral war” bagkos ay unti-unti na itong nagiging isang “regional crisis” na maaaring humantong sa malubhang sitwasyon.
Sinabi pa ng OFW solon na ang concern lamang nito bilang Kinatawan ng mga OFWs ay ang mga Pilipinong manggagawa sa Ginang Silangan pati narin ang mga Overseas Filipinos (OFs) na mayroon ng kabuhayan at naninirahan doon.
Samantala, pinangunahan ni Magsino ang paghahatid ng saya para sa mga OFWs at kanilang pamilya sa pamamagitan ng “Hatid Saya” kung saan ipinaabot din nito ang kaniyang taos pusong pasasalamat para sa mga OFWs na patuloy na sumusuporta sa kaniyang mga programa at adbokasiya sa nakalipas na 19th Congress.

