Calendar
Screenshot ng time-lapse footage ng pagsabog sa main crater ng Taal Volcano ng Oktubre 26, 2025.
Source: PHIVOLCS-DOST
Taal Volcano 3 beses sumabog
NAKAPAGTALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng isang minor phreatic eruption at dalawang minor phreatomagmatic eruptions sa main crater ng Bulkang Taal nitong Linggo.
Ayon sa Phivolcs, ang minor phreatic eruption ay naganap ng alas-2:55 ng umaga, samantalang ang dalawang minor phreatomagmatic eruptions ay naganap ng alas-8:13 at alas-8:20 ng umaga.
Batay sa tala ng Main Crater IP at thermal cameras, lumikha ang mga pagsabog ng mga plumang umabot sa taas na 1,200 hanggang 2,100 metro mula sa bunganga ng bulkan, na tanaw sa bulubunduking bahagi ng Tagaytay City sa Cavite. Tumagal ito ng hindi lalampas sa 5 minuto.
Nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal.
Noong Oktubre 25, nakapagtala rin ang Phivolcs ng minor phreatomagmatic eruption sa main crater ng Bulkang Taal.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpunta sa Taal Volcano Island at pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga advisory at anunsiyo na inilalabas ng Phivolcs at ng mga awtoridad.
Ayon sa lokal na awtoridad, depende sa direksiyon ng hangin ang pagpaling ng ibubuga nito at walang dapat ikabahala ang publiko. Nina MELNIE RAGASA-JIMENA & DENNIS ABRINA

