Calendar
REGIONAL UNIFIED 911 COMMAND CENTER – Inilunsad ang unang Regional Command Center para sa Unified 911 system sa Cebu City noong Oktubre 25.
Source: DILG Central Visayas
Unified 911 napatunayang epektibo sa Metro Manila
NAPATUNAYAN muli ang bisa ng Unified 911 sa Metro Manila matapos maaresto ang tatlong suspek sa krimen ilang minuto lamang matapos makatanggap ng tawag ang lokal na pulisya, sinabi nitong Linggo ni Major Gen. Anthony A. Aberin, National Capital Region Police Office (NCRPO) director.
Ayon sa opisyal, ang maagap na ulat sa pamamagitan ng 911 Emergency Hotline ang naging susi sa mabilis at epektibong tugon ng mga pulis, na nagresulta sa tinaguriang “911 success stories” sa tatlong magkakahiwalay na insidente sa Parañaque, Pasig at Taguig ngayong buwan.
Noong Oktubre 19 bandang alas-12 ng hatinggabi, iniulat ang isang insidente ng pananaksak sa Barangay San Isidro, Parañaque City. Sa pamamagitan ng tawag sa 911, agad na rumesponde ang mga pulis at natagpuan ang biktimang lalaki na may saksak sa puwitan at braso.
Dinala siya sa Las Piñas District Hospital para sa lunas, habang ang suspek ay naaresto matapos tangkaing tumakas patungo sa creek ng BF Homes matapos ang follow-up operations. Nahaharap na siya sa kasong frustrated homicide sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Noong Lunes, may isang 911 alert sa mga pulis sa Brgy. Buting, Pasig City, na rumesponde sa report ng umano’y ninakaw na motorsiklo. Ayon sa impormasyon, pinara ng mga pulis ang isang rider na tugma sa deskripsyong ibinigay ng tumawag.
Nang beripikahin, wala siyang maipakitang lisensiya at natuklasan ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 7 gramo at tinatayang may halagang P47,600.
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at sa RA 10883, o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Isa pang kaso ang naitala noong Miyerkules, bandang alas-7 ng umaga sa Brgy. Comembo, Taguig City, kung saan nakatanggap ng 911 report ang pulisya kaugnay sa paglabag sa Safe Spaces Act o RA 11313.
Tumawag ang isang jogger upang iulat ang insidente ng harassment sa pampublikong daan. Agad na rumesponde ang Women and Children Protection Desk at naaresto ang suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 11313.
Ayon kay Aberin, ipinapakita ng mga insidenteng ito kung gaano kahalaga ang mabilis na koordinasyon sa pagitan ng publiko at pulisya sa pamamagitan ng 911 Emergency Hotline upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.
Binigyang-diin niya na ang kahusayan ng 911 response ay repleksyon ng disiplina at kahandaan ng bawat police officer sa field.
“When our police respond fast and act right, we earn the confidence of the public ― that is true service under the Bagong PNP. Each successful operation triggered by a 911 call is a reflection of how well we listen, how quickly we act, and how deeply we care for the safety of our communities. This is the kind of policing that defines us ― mabilis sa tugon, tapat sa tungkulin, at tunay na nararamdaman ng taumbayan,” sinabi ni Aberin.
Unified 911 inilunsad sa Central Visayas
Noong Sabado, pinangunahan nina Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla at Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang paglulunsad ng Unified 911 Emergency Hotline System sa Central Visayas, sa seremonyang ginanap sa PLDT Jones, Cebu City.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno ang serbisyo ng pamahalaan at tiyaking may agarang access ang bawat Pilipino sa tulong pang-emergency, muling pinagtibay ni Nartatez ang matibay na suporta ng PNP sa pagpapalakas ng inter-agency coordination para sa mas mabilis at maaasahang emergency response sa buong bansa.
“This initiative reflects the President’s vision for a Bagong Pilipinas ― one that is safer, smarter, and more responsive to the needs of the people. The PNP fully supports the Unified 911 System as a vital tool in saving lives. Through this platform, emergency responses will be quick, reliable, and truly felt by the Filipino people,” aniya.
Tampok sa seremonya ang paglulunsad ng Unified 911 Command Center, kung saan ipinakita ng Bureau of Fire Protection, bilang first responders, ang kanilang kahandaan sa real-time na pagresponde sa emergencies.
Ang Police Regional Office 7, sa pamumuno ni Brig. Gen. Redrico A. Maranan, ang magiging pangunahing responder sa mga tawag kaugnay sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Remulla na ang Unified 911 system “respects the language, culture, and traditions of every Filipino.” Inanunsiyo rin niya ang pamamahagi ng 200 bagong police vehicles sa Central Visayas sa Enero 2026, upang palakasin ang mobility at kakayahan ng law enforcement.
Ibinunyag din niya ang nalalapit na “Skynet” initiative, kung saan magpapalipad ng long-range drones para sa real-time surveillance tuwing may emergency.
“When there are 24 hours in a day and 7 days in a week, we will have drones patrolling the skies. Once you call 911, the drones will be on top of you ― to take watch, to take photos, and to ensure everyone’s safety,” sinabi ng pinuno ng DILG.
Nagbigay rin siya ng babala sa prank callers na ang mga pekeng emergency call ay may kaukulang parusa sa ilalim ng batas para sa Unjust Vexation, dahil nakakaantala ito sa tunay na pagtugon at maaaring magdulot ng panganib sa buhay.

