Calendar
Mabilis na inaapula ng mga bumbero ang apoy sa naglalagablab na truck makaraan itong sumabog at magliyab. Kuha ni GEMI FORMARAN
Tanker truck bumangga sa ibang sasakyan, sumabog sa Quezon; driver nasunog ng buhay
ATIMONAN, QUEZON — Kalunos- lunos na kamatayan ang sinapit ng isang driver matapos na ang kanyang minamanehong tanker truck na puno ng gasolina ay bumangga sa iba pang mga sasakyan at sumabog sa kahabaan ng New Diversion Road sa Brgy. Malinao Ilaya, sa bayang ito, Lunes ng umaga.
Ayon sa hepe ng pulisya na si Major Marnie Abillanida, ang tanker truck driver na si Alyas Rolando ay naipit sa loob ng sumabog na truck at nalitson ng buhay.
Ayon kay Abillanida, dahil sa lakas ng impact ay nasugatan ang apat na pasahero ng dalawang tricycle na kabilang sa mga inararo ng truck. Tatlo “aniya sa mga ito ay pawang estudyante samamtalang ang ikaapat ay construction worker.
Ang mga ito ay isinugod sa Doña Marta Hospital sa bayang ito at mabilis nalapatan ng pangunahing lunas.
Naganap umano ang insidente dakong 7:00 ng umaga habang ang truck na patungo sa Bicol region ay mabilis na lumulusong sa kurbadang bahagi ng highway.
Pinaniniwalaang nawalan ng preno ang truck at nawala sa kontrol ng driver. Tuluyan itong bumulusok at bumangga sa nakaparadang truck at dalawang tricycle na naging sanhi ng pagsabog.
Mabilis nagresponde ang mga pulis, bumbero Bureau of Fire Protection at mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at inapula ang apoy sa naglalagablab na truck.
Ayon kay Avillanida, marami na umanong kaparehong insidente ang naganap naturang lugar. Ni GEMI FORMARAN

