Torre

Torre sinabihang lisanin ang pwesto bilang PNP chief ASAP

366 Views

SINIBAK na sa puwesto si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III, epektibo agad, ayon sa Palasyo.

Ipinahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Martes na si Torre ay inatasang lisanin ang kanyang posisyon bilang hepe ng pambansang pulisya.

Sa isang liham na may petsang Agosto 25, inutusan ni Bersamin si Torre na tiyakin ang maayos na turnover ng kanyang tungkulin.

“Para sa tuloy-tuloy at epektibong paghahatid ng serbisyo publiko sa PNP, ikaw ay inaatasang tiyakin ang maayos na turnover ng lahat ng usapin, dokumento, at impormasyon kaugnay ng iyong opisina,” ayon kay Bersamin.

Wala pang ibinibigay na karagdagang detalye ang Malacañang kaugnay ng biglaang pagbabakante ng puwesto.

Samantala, nananatiling tikom ang bibig ng PNP ukol sa isyu.

Si Torre ay naitalagang ika-31 PNP chief at ika-apat sa ilalim ng administrasyong Marcos noong Hunyo.

Siya rin ang kauna-unahang hepe ng PNP na nagtapos mula sa Philippine National Police Academy (PNPA), at nakatakdang magretiro sa Marso 11, 2027. Nina ALFRED DALIZON & JONJON C. REYES