Calendar
Total ban sa online gambling ads isinusuong
PARA kay Camarines Sur 3rd District Representative Nelson S. Legacion, hindi bastante ang panghihikayat sa mga sikat na celebrities na huwag ng mag-endorso ng online gambling, kundi ang total ban mismo sa mga online gambling ads.
Ito ang pangunahing layunin ng House Bill No. 2360 na inihain ni Legacion sa Kamara de Representantes para maipatupad ang total ban sa mga advertisements at promotions ng online gambling sa social media at iba pang platforms.
Pagbibigay diin ni Legacion na walang saysay ang panghihikayat sa mga sikat na celebrities na huwag mag-endorso ng online gambling kung nananatili naman ang promotions nito sa social media at nakikita ng maraming mamamayan lalo na ang mga kabataan.
Ipinaliwanag ng neophyte Camarines Sur congressman na mas magiging epektibo ang total ban sa mga advertisements ng online gambling dahil hindi magkakaroon ng ideya ang mga Pilipino tungkol sa pagsusugal o hindi sila mae-engganyo.
“Yung paghihikayat sa mga artista na huwag mag-endorso ay walang saysay kung nakikita naman ng mga mamamayan sa mga ads ang online gambling. Ganoon din, mahihikayat din sila. Pero kung magkakaroon ng total ban sa mga promotions o ads. Hindi sila matutuksong magsugal,” pahayag ni Legacion.
Bukod dito, nakapaloob din sa House Bill No. 2360 na isinulong ni Legacion ang pagbabawal sa mga kompanya na masangkot sa promosyon ng online gambling sa pamamagitan ng sponsorship para sa mga aktibidades ng naturang sugal.
“Kasama sa ating House Bill ang sponsorship ng mga companies involved in online gambling or any sponsorship activities events. Kasam po iyan sa mga nais natin ipagbawal. Ang sinasabi po natin ay ma-regulate ang online gambling,” sabi pa nito.

