TPLEX

TPLEX gas station may natagpuang 2 bangkay

Zaida Delos Reyes Jun 18, 2026
36 Views

DALAWANG bangkay ang natagpuan sa loob ng sasakyan na nakaparada sa gasoline station sa Tarlac-Pangasinan- La Union Expressway (TPLEX) noong Miyerkules.

Ayon kay Tarlac Provincial Police Office chief Police Colonel Harry Lorenzo, ang mga bangkay ay natagpuan sa gasoline station sakop ng Brgy. San Francisco, Victoria, Tarlac.

Kinilala na ng kani-kanilang pamilya ang mga biktima subalit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.

“Opisyal na kinukumpirma ng aming himpilan na positibo nang nakilala ng mga kaanak ang dalawang indibidwal na natagpuang walang buhay sa loob ng isang sasakyan sa TPLEX Southbound, Brgy. San Francisco, Victoria, Tarlac noong Hunyo 17, 2026,” pahayag ni Lorenzo.

Paliwanag ni Lorenzo, nakiusap ang pamilya ng mga biktima na bigyan sila ng sapat na oras para magluksa.

Hiniling din ng pamilya na igalang ang kanilang desisyong panatilihing pribado ang usapin at huwag nang isapubliko o palawakin pa ang mga detalye ng insidente.

Ayon sa ulat, ang mga bangkay ay natagpuan ng mga empleyado ng gasoline station makaraang mapansin ng mga ito na matagal nang nakaparada ang sasakyan.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.