Tulfo2 Sen. Erwin Tulfo

Tulfo isinusulong 20% student discount sa load, internet

165 Views

ISINUSULONG ni Sen. Erwin Tulfo ang obligadong 20 porsiyentong discount sa mobile prepaid load, postpaid plans at mobile internet packages para sa mga estudyante sa ilalim ng Senate Bill No. 2275 o Student Load Discount Act.

Sakop ng panukala ang mga Pilipinong estudyante sa elementarya, sekondarya, technical-vocational at higher education, maliban sa postgraduate studies.

Magagamit ang discount sa buong taon, kabilang ang weekends at holidays.

Binanggit ni Tulfo ang paglipat sa online classes tuwing may masamang panahon bilang isa sa mga dahilan ng kanyang panukala.

“Dagdag-gastusin ito sa mga estudyante at magulang nila na kadalasan ay hadlang pa para makasabay sa online classes. Tulungan naman natin sila sa simpleng bagay na ito,” pahayag ni Tulfo.

Sa ilalim ng panukala, kailangang magpakita ang estudyante ng valid school ID o katibayan ng enrollment, kasama ang birth certificate bilang patunay ng pagiging mamamayang Pilipino.

Oobligahin ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na ibigay ang discount sa mga serbisyong sakop ng panukala. May nakalaan ding parusa sa mga kumpanyang hindi susunod.

Sinabi ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na maaari nang sundan ng online learning ang suspensyon ng face-to-face classes.

“Noon, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok. Pero sa panahon ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog sa mga inaaral,” ani Tulfo.

Ayon sa senador, maaaring mahirapang makasabay sa online classes ang mga estudyante, lalo na ang mula sa mahihirap na pamilya, kung kapos sila sa pantustos sa mobile data o internet.

“Tungkulin natin sa pamahalaan na tiyakin ang access sa edukasyon. Hindi dapat huminto ang kakayahan ng isang estudyante na matuto dahil lamang hindi niya kayang bumili ng mobile data o internet connection. Walang estudyante ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta,” aniya.