Calendar
Sen. Francis “Kiko” Pangilinan
Presyo ng pagkain dapat bumaba sa P7.2T budget – Pangilinan
DAPAT gamitin ang panukalang P7.2-trilyong pambansang budget sa 2027 sa mga hakbang na magpapababa ng presyo ng pagkain, magpapataas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda, at magpapabuti sa nutrisyon at edukasyon, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na dapat masukat ang panukalang budget batay sa epekto nito sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mahihirap na pamilya at sa mga magsasaka at mangingisdang pinagkukunan ng pagkain ng bansa.
“Dapat ramdam ito sa hapag-kainan, sa kita ng magsasaka at mangingisda, sa paaralan ng ating mga anak, at sa pang-araw-araw na buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag niya.
Dapat mabigyan ng sapat na suporta ang agrikultura at pangisdaan upang makatulong sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda at gawing mas abot-kaya ang pagkain para sa mga mamimili, aniya.
Ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain ay makatutulong upang maging mas abot-kaya ang masustansiyang pagkain para sa mahihirap na pamilya, partikular sa mga batang nanganganib na makaranas ng gutom, malnutrisyon at pagkabansot, giit niya.
Iniugnay rin ni Pangilinan ang paggasta para sa nutrisyon sa edukasyon, at sinabing kailangan ng mga bata ang sapat na pagkain at suporta upang matuto at maabot ang kanilang kakayahan.
Nanawagan siya ng higit na transparency sa paggasta ng gobyerno at hinikayat ang publiko na bantayan kung paano inilalaan at ginagamit ang pondo ng bayan.
“Dapat magmatiyag ang taong bayan at dapat ang gobyerno ay open at willing sagutin ang mga katanungan tungkol sa paggasta ng budget,” ani Pangilinan.
Ayon sa senador, makatutulong ang mas mahigpit na pagbabantay sa paggasta upang maiwasan ang pag-aaksaya, korapsyon, overpriced projects at pagbibigay ng hindi nararapat na pabor sa piling contractors.
“And budget na ito ay para sa bayan at para sa Pilipino kaya nananawagan ako sa ating mga kababayan na magbantay, magtanong, at mag-ingay para ang gobyerno ay matakot na kayo’y lokohin, nakawan, at abusuhin,” ani Pangilinan.

