Tulfo2

Tulfo nanawagan na prenohan karera ng kalapati malapit sa airports

157 Views

HINIMOK ni Sen. Raffy Tulfo ang mga opisyal ng aviation, agriculture at local government na pigilan ang pigeon racing malapit sa airports dahil sa panganib sa mga pasahero at eroplano ang sabayang pagpapakawala ng mga kalapati malapit sa flight paths.

Sa ikaapat na public hearing ng Senate Committee on Public Services tungkol sa panukalang Magna Carta of Commuters, sinabi ni Tulfo na hindi ang mismong sport ang isyu kundi ang lugar kung saan pinapakawalan ang mga ibon.

Dapat ituring na safety hazard ang pagpapakawala ng mga kalapati malapit sa airports tulad ng NAIA, lalo na kung may mga eroplanong lumalapag o nagte-takeoff.

Tinalakay ang isyu matapos pag-usapan sa pagdinig ang bird-strike incidents at ang lapit ng ilang airports sa bird habitats at migratory bird corridors.

Sinabi ng isang opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa komite na naglabas ang CAAP ng Memorandum Circular 026-2025 na nagbabawal sa hazardous activities sa airport vicinities, kabilang ang kites, drones at pigeon racing.

Gayunman, sinabi ng CAAP na kailangan ang koordinasyon sa local government units para maipatupad ang naturang restrictions.

Kinuwestiyon ni Tulfo kung bakit patuloy pa ring may pigeon racing activities malapit sa airports sa kabila ng circular. “So ba’t walang sumusunod?,” tanong ni Tulfo.

Sinabi ng Department of Agriculture’s Bureau of Animal Industry na pangunahing tungkulin nito ang pagrerehistro ng pigeon clubs at monitoring sa animal health, partikular sa avian influenza o bird flu.

Ayon sa BAI, hindi lahat ng pigeon racing activities ay kumukuha ng permit mula sa bureau o sa local governments.

Sinabihan ni Tulfo ang BAI na makipag-ugnayan sa CAAP at sa pigeon associations, at sinabing hindi dapat bigyan ng permit ang pigeon releases sa mga lugar na malapit sa operasyon ng eroplano.

Hiniling din ni Tulfo sa Department of the Interior and Local Government na tumulong sa pagpaparating ng aviation safety rules sa LGUs at sa pagtutulak ng local ordinances na magbabawal sa pigeon racing, drone flying at kite flying malapit sa airports.

Sinabi ng mga opisyal ng DILG na maaaring magpasa ng ordinansa ang LGUs tungkol sa aerodrome safety, ngunit hindi maaaring obligahin ang local governments na gawin ito maliban kung may batas na nag-uutos nito.

Hiniling ni Tulfo sa mga concerned agencies na magsumite ng updates sa pagpapatupad ng aviation safety measures malapit sa airports, kabilang ang mga aksyon laban sa pigeon racing at iba pang hazardous activities malapit sa flight paths.