Calendar
UPLB 4PH Rental Housing Project ginagawa na
SINIMULAN na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at University of the Philippines (UP) ang construction ng UP-Los Baños 4PH Rental Housing Project sa Brgy. Paciano Rizal, Bay, Laguna.
Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr., UP President Angelo Jimenez at UPLB Chancellor Dr. Jose V. Camacho Jr. ang seremonya.
Noong Marso 6, isinagawa ang groundbreaking ng proyekto matapos ang 45 taong paghihintay para sa pabahay mula sa pamahalaan sa UPLB. Ang huling pabahay sa UPLB ay ipinatupad pa noong administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Ang proyektong ito ay bahagi ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa unang yugto, maglalaan ang UPLB-Expanded 4PH Rental Housing Project ng 320 yunit para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, kabilang ang mga mababang-kita na empleyado at estudyante ng UPLB, gayundin ang mga pamilyang naninirahan sa paligid ng pamantasan.
“Layunin natin sa Expanded 4PH ang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan para sa disente, ligtas, at abot-kayang pabahay. Ang concrete pouring na ito ay hakbang papalapit sa pagbibigay ng mas maayos at mas may dignidad na pamumuhay sa ating mga benepisyaryo,” ani Secretary Aliling.
Malinaw ang direktiba ng Pangulo na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan, at patuloy ang DHSUD sa pagpapalawak ng programa sa pamamagitan ng mga bagong modalities at policy reforms upang masolusyunan nang wasto ang pangangailangan sa pabahay.
Binigyang-diin nina Jimenez at Camacho ang mabilis na pag-usad ng proyekto dahil sa masinsing pagtutulungan ng DHSUD at pamunuan ng UP.
“Ilang buwan lang mula nang nag-usap tayo noong Disyembre at nag-groundbreaking noong Marso, ngayon ay concrete pouring na tayo. Ito ay konkretong patunay na ginagawa natin ang ating ipinangako,” ani Jimenez.

