Calendar
Urdaneta City dinalaw ng People’s Caravan ng NHA

DINALA ng National Housing Authority (NHA) ang People’s Caravan sa Urdaneta City para paglingkuran ang halos 3,000 katao sa Urdaneta City Cultural and Sports Complex.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, dumalo si NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano sa event kasama ang iba pang opisyal ng NHA.
Sinamantala ng mga benepisyaryo ang pagkakataong mapakinabangan ang mga produkto at serbisyong inalok ng humigit-kumulang sa 25 na ahensya, mula sa pag-renew ng mga identification cards, sa aspeto ng kalusugan, pagkain at kabuhayan at iba pa.
Naghandog ang Department of Health (DOH), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Red Cross (PRC) at Urdaneta Health Office ng medikal at dental na konsultasyon at libreng gamot na kasama ng referral at reseta ng doktor.
Naghandog ang Department of Agriculture (DA) ng KADIWA on Wheels, libreng mga punla ng gulay. Nagbenta rin ang ahensya ng P20/kilo na bigas para sa mga senior citizen, solo parents, persons with disabilities (PWDs), TODA members at RSBSA-registered farmers at fisherfolk.
Nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang LGU-Urdaneta Public Employment Services Office (PESO) ng employee facilitation para sa mga local at international opportunities.
Para sa negosyo, pagsasanay, at tulong na may kaugnayan sa edukasyon, pinangasiwaan ng Department of Trade Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Science and Technology (DOST), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at National Commission on Senior Citizens (NCSC) ang mga skills demonstrations, scholarship orientations at IEC campaign.
Naghandog ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng bandwidth/Internet connection para sa buong aktibidad; Public Attorney’s Office (PAO) para sa libreng notaryo ng mga pampublikong dokumento at legal na pagpapayo; at Pangasinan Provincial Human Settlements and Urban Development Authority (PHSUDA) para sa transportasyon ng mga benepisyaryo, maging ang logistical support sa kaganapan.
Dumalo rin si Urdaneta City Mayor Julio Parayno III, at iba pang kawani ng ahensya at ng LGU-Urdaneta.
Ang NHA People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-Asa” ay naglalayong epektibong mailapit ang mahahalagang serbisyo mula sa iba’t ibang institusyon ng gobyerno at pribadong institusyon sa mga benepisyaryo ng ahensya at mga karatig-pook nito.
Ang inisyatiba ay alinsunod sa pangako ng NHA na isulong ang mga progresibong komunidad na naaayon sa nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

