Calendar
Vault inspection pinapayagan ng COA rules–Lacson
SINABI ni Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson na pinapayagan ng Joint Circular No. 2015-01 ng Commission on Audit ang audit unit nito na inspeksyunin ang mga vault ng ahensya na naglalaman ng classified records at supporting documents “if circumstances so demand.”
Binanggit ni Lacson ang probisyon habang tinatanong ang state auditor na si Xylene Mae del Campo kung dapat bang nagtulak sa vault inspection ang pagkakaroon ng maraming alias sa mga transaksyong may kinalaman sa confidential at intelligence funds.
“Kung maraming aliases na nagdududa kayo, di ba natural lang, logically iisipin nyo na ma-inspection nga ang vault kung totoong tao ang nasa likod ng aliases?” tanong ni Lacson.
Hindi napatunayan sa palitan na sapilitan ang vault inspection sa mga transaksyong sinusuri, at hindi rin nito natukoy ang mga taong nasa likod ng mga alias.
Sinabi rin ni Lacson na maaaring nakakuha ang mga auditor ng specimen signatures mula sa mga rekord kung naisagawa ang inspeksyon at naikumpara ang mga ito sa mga kilalang lagda upang suriin kung may posibleng pamemeke.
Sa isang naunang panayam sa radyo, sinabi ni Lacson na maaaring nakatulong ang vault inspection upang umusad ang pagtukoy sa mga taong nasa likod ng mga alias.
