Calendar
Villafuerte: E-Gov na Pilipinas malapit nang maisakatuparan
NANINIWALA si outgoing congressman at governor-elect ng CamSur na si LRay Villafuerte na nalalapit na ang ganap na digital transformation ng Pilipinas, kasunod ng pagpasa ng ika-19 na Kongreso sa panukalang batas na magpapaunlad at mag-uugnay sa mga serbisyong e-government o electronic government. Layunin nito ang “mas malinaw, mas mabilis, mas episyente, at posibleng walang katiwaliang transaksyon” para sa mga mamamayan at negosyante.
Ipinahayag ni Villafuerte, na siya ring presidente ng National Unity Party (NUP), ang kanyang tiwala na malapit nang lagdaan ni Pangulong Marcos ang enrolled bill sa E-Governance na kapwa pinagtibay ng Senado at Kamara bago mag-sine die adjournment nitong Hunyo 13.
Ang panukalang batas sa E-Governance ay kabilang sa mga panukala na inaprubahan ng dalawang kapulungan bago tuluyang magsara ang ika-19 na Kongreso. Si Villafuerte ay isa sa mga pangunahing may-akda ng bersyon ng Kamara—House Bill (HB) No. 7327—ng naturang panukala.
Inaatasan ng batas na ito ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) at mga government-owned and -controlled corporations (GOCCs), na lumipat sa digital o online na mga plataporma para sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Kasama rin sa E-Government network ang mga sangay ng hudikatura, mga constitutional offices, at mga state universities and colleges (SUCs).
Ayon kay Villafuerte, kapag nalagdaan na ito ni Pangulong Marcos, magdudulot ito ng mas transparent at episyenteng sistema ng transaksyon sa gobyerno, pagpapabuti sa ease of doing business, pagtaas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at pagbawas o tuluyang pag-alis ng katiwalian.
Ang HB 7327 ay ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa botong 304-4-0 noong 2023, habang ang Senate Bill (SB) No. 2781 ay ipinasa ng Senado sa botong 21-0 nitong Enero 2025. Isang bicameral conference committee ang bumuo ng pinagsamang panukalang batas na kapwa pinagtibay ng Senado at Kamara nitong Hunyo 13.
Bilang tagapagtaguyod ng digital transformation ng bansa, unang iniharap ni Villafuerte ang katulad na panukala noon pang ika-17 Kongreso. Aniya, naging mas kapansin-pansin ang pangangailangan para rito noong pandemya kung kailan naging limitado o ipinagbawal ang face-to-face na transaksyon sa mga opisina ng pamahalaan.
Dagdag niya, “Ang E-Government system ay magpapabilis at magpapadali sa pagproseso ng mga transaksyon, at maaring makatulong na mabawasan ang korapsyon sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbabawas ng direktang pakikisalamuha ng tao sa mga ahensya.”
Bukod kay Villafuerte, kabilang sa mga may-akda ng HB 277 (na isinama sa HB 7327) sina CamSur Reps. Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata, at ang Bicol Saro party-list.
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang magiging pangunahing tagapagpatupad ng batas. Sa loob ng isang taon mula sa bisa ng batas, itatatag ang isang Integrated Government Network na magsisilbing ligtas na koneksyon ng lahat ng websites at applications ng gobyerno para sa maayos na data-sharing.
Nauna nang isinulong ni Pangulong Marcos ang E-Governance sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2022.
Bilang paghahanda, inilunsad na ng DICT ang eGov PH mobile application na nag-uugnay sa mahigit 1,000 sistema ng pamahalaan. Layunin nitong gawing inklusibo ang digital na serbisyo kahit sa malalayong komunidad. Sa app na ito, maaaring gamitin ang mga serbisyo ng SSS, GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG at iba pa. Isinama rin ang mga ID tulad ng National ID, Senior Citizen ID, PRC ID, e-Health ID, at OFW ID.
Ayon kay Villafuerte, “Ang sistemang ito ay makapagbibigay ng maayos at episyenteng serbisyong online, at makakatulong para mabawasan o tuluyang maiwasan ang korapsyon sa pamahalaan.”
Nilinaw din niya na higit pa sa simpleng digitalisasyon ang layunin ng e-Governance. “Layunin nitong gawing mas mabilis, mas simple, at walang abala ang serbisyo ng gobyerno.”
Ang digitalization ay ang paggamit ng teknolohiya upang mapabuti ang operasyon ng pamahalaan, habang ang digitization naman ay ang pagsasalin ng datos sa digital na anyo.
Itinatakda rin ng panukala na dapat magkaroon ang bawat ahensya ng isang Chief Information Officer (CIO) na mangunguna sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng ligtas na ICT systems, alinsunod sa DICT standards at mga umiiral na batas gaya ng Data Privacy Act (RA 10173).
Mga Mahahalagang Bahagi ng E-Government Master Plan:
Interoperability Framework – Gabay para sa ugnayan ng ICT systems ng gobyerno.
Archives and Records Management System – Digital na sistema sa dokumento at rekord ng pamahalaan.
Online Payment System – Maaaring bayaran online ang serbisyo ng gobyerno gamit ang ATM, credit card o mobile wallet.
Citizen Frontline Delivery Services – Integrated system para sa business registration mula sa DTI, SEC, BIR, at iba pa.
Public Financial Management – Pag-uugnay ng mga sistema ng pananalapi ng gobyerno.
Procurement System – Online at real-time na sistema para sa bidding, kontrata, at bayarin ng gobyerno.
