Lacson1

‘Wag hadlangan imbestigasyon sa Taguig–Lacson

131 Views

NANAWAGAN si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na huwag hadlangan ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga kwestiyonableng proyekto sa Taguig City matapos iulat ang umano’y tangkang pagpigil sa mga imbestigador na kumukuha ng drone footage sa lugar.

Dapat nakabatay sa ebidensiya at malaya sa panghihimasok ang pagsisiyasat sa mga reclamation at flood-control project malapit sa Laguna de Bay, ayon sa senador.

Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isang empleyado ng Taguig City Hall ang nagtangkang pigilan ang kanilang mga imbestigador sa pagpapalipad ng drone upang kunan ng larawan ang lugar.

Itinanggi ng Taguig City government na hinarang ng mga tauhan ng Public Order and Safety Office ang imbestigasyon.

Sinabi ng Taguig government na nagsagawa lamang ang POSO ng karaniwang pagsusuri sa kaligtasan at seguridad dahil hindi agad nakilalang mga tauhan ng Ombudsman ang mga sakay ng sasakyan.

Nagkaroon umano ng mainitang palitan bago nagtungo ang magkabilang panig sa himpilan ng pulisya, kung saan nagkaayos ang mga ito. Ayon sa lungsod, walang reklamong isinampa kaugnay ng engkuwentro.

Iginiit ni Lacson na kailangang maging maingat, sistematiko at masusi ang pagbusisi sa mga alegasyon dahil maaaring sangkot dito ang masalimuot na mga transaksyon.

Nauna nang nagsumite ang senador sa Ombudsman ng impormasyong nais niyang siyasatin kaugnay ng mga proyekto sa Taguig.

Itinanggi ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga paratang at sinabing dapat magharap ng matibay na ebidensiya sa tamang forum ang mga nag-aakusa.