Adiong

VP Sara, nasa “conflict of interest” sa panawagang bumaba si PBBM — Alonto Adiong

114 Views

SINABI ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Linggo na inilalagay ni Vice President Sara Z. Duterte ang kanyang sarili sa isang sitwasyon ng “conflict of interest” o salungatan sa interes sa panawagan niyang bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Si Alonto Adiong, tagapagsalita ng House panel na nag-uusig sa Vice President sa kanyang impeachment trial sa Senado, ay nagsabi sa isang news briefing na ang Vice President ang posibleng makinabang kung mangyari ang kanyang panawagan.

“Kung umalis po, halimbawa, sa pamamagitan ng mga extra-legal na hakbang at maalis sa puwesto ang Pangulo, sino po ang makikinabang? Sino po ang agad na hahalili? Ang taong humihiling na umalis sa puwesto ang Pangulo. Ibig sabihin, conflict of interest,” aniya.

“Nakita natin dito, sino ang humihiling na umalis sa puwesto? Siya po ang makikinabang kung sakaling mawala sa puwesto itong taong tinutukoy niya,” dagdag niya.

Sinabi ng mambabatas mula sa Mindanao na bilang isang halal na opisyal, dapat kumilos at magsalita ang Vice President alinsunod sa batas.

“Sa tingin ko, ang implikasyon nito ay una sa lahat, bilang isang halal na opisyal, kung ano ang ipinagkaloob sa kanya, partikular ang prinsipyo ng due process o wastong proseso alinsunod sa batas, dapat ganoon din ang maging batayan ng kanyang mga pahayag,” dagdag niya.

“Ang pagpapatalsik sa Pangulo sa anumang paraang legal ay kailangang nasa loob ng itinakdang batas. Ang paggamit ng paraang labas sa batas ay taliwas sa prinsipyong due process na kanyang tinatamasa,” giit niya.

Ginawa ng Vice President ang panawagan sa kanyang mga tagasuporta sa Quezon City Hall ngayong araw, kung saan isinagawa ang kanyang arraignment sa kasong may kaugnayan sa grave threats o malubhang pagbabanta na ginawa niya noong 2024 laban sa Pangulo, First Lady Liza Araneta Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi ni Alonto Adiong na nakababahala ang maaaring maging epekto sa publiko ng pahayag ng Vice President.

Aniya, dapat isaalang-alang hindi lamang ang mismong panawagan kundi pati na rin kung sino ang gumawa nito.

“Mahalaga po, hindi lamang ang mensahe, kundi kung sino ang nagsasabi ng mensaheng ito. Dapat malinaw ang koneksyon ng mensahe at ng messenger. Ang messenger po nito ay ang Pangalawang Pangulo,” aniya.

Samantala, sinabi naman ng isa pang tagapagsalita ng prosekusyon, ang dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, na may karapatan ang Vice President na sabihin ang nais niyang sabihin.

“Karapatan naman niyang magsalita o magbigay ng pahayag tungkol sa kanyang opinyon at nararamdaman laban kanino man at tungkol sa sitwasyong kanyang kinakaharap,” aniya.

“Kung iyon ay reaksiyon sa kanyang nararamdaman habang siya ay tinatanong, ang mga nangyayari ngayon ay patunay na binibigyan siya ng due process o wastong proseso. At dapat itong igalang. Ngayon, kung ang kanyang mga nasabi ay medyo maanghang, ika nga, karapatan niya iyon. Maaari niyang sabihin ang anumang nais niyang sabihin,” aniya.