Dean Asistio

‘Wag mainitin ang ulo sa pagmamaneho–Rep. Asistio

Mar Rodriguez Jan 16, 2026
255 Views

PINAYUHAN ni Caloocan City Rep. Dean Asistio ang mga motorista na maging mahinahon at huwag magpadala sa galit laban sa mga kapwa nila driver.

Ito ang payo ng kongresista sa mga nagmamaneho kasunod ng babala ni Land Transportation Office (LTO) Chief Markus Lacanilao na tatanggalan ng lisensya habambuhay ang mga nasasangkot sa road rage.

Sinabi ni Asistio na dapat pag-isipang mabuti ng mga motorista ang paalala ng LTO sapagkat hindi paliligtasin ng ahensiya ang mga drivers na walang habas na nakakasakit o nakamatay ng kapwa nila driver bunsod ng alitan sa kalsada.

Ayon kay Asistio, ikinalulungkot niya na parang hindi nasisindak ang mga “pasaway” na motorista sa kabila ng babala ng LTO nito laban sa mga “sutil” na drayber.

Ipinaalala ni Asistio na noong early 90s ay naging laganap ang mga kaso ng road rage kung saan maraming buhay ang nasira, marami ang namatay at nakulong ng dahil lang sa simpleng alitan at hindi pagkakaunawaan sa kalsada.