Momo

Senado pinakiusapang DWR aprubahan agad

Mar Rodriguez Jan 16, 2026
148 Views

UMAASA si Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr., principal author ng House Bill No. 6789 o ang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR), na maaaprubahan agad sa Senado ang nasabing panukala.

Sinabi ni Momo na ang inakda niyang HB 6789 naglalayong magkaroon ng accountability ang water management sa ating bansa kasunod ng pagiging moderno at maisaayos ang pamamahala sa water system lalo na sa mga liblib na lugar.

Kabilang si Momo sa mga kongresistang umaapela sa mga senador na ikonsidera ang pagpasa ng HB 6789 batay sa kanilang sariling bersiyon.

Sinabi naman ni Camarines Sur Representative Luigi Villafuerte na: “We are appealing to our senators to consider passing this 2026 their version of an integrated legal framework for the sustainable development and protection of our countries water resources.”

Ayon kay Momo, natukoy ng ASEAN Integrated Water Resource Management (IWRM) ang ilang problema kaugnay sa water management tulad ng kawalan ng science based data at mga impormasyon para sa isang aktibong pagpa-plano.

Iginigiit ng kongresista na kinakailangan na talagang tuluyang maisabatas ang DWR Bill bunsod ng mga hamon sa suplay ng tubig sa ating bansa at paglaki ng populasyon, hindi mapigilang urbanisasyon at epekto ng climate change.