Memo

Working days nilinaw sa LTFRB

Jun I Legaspi Jan 16, 2026
132 Views

NAGLABAS ng memorandum ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbibigay ng malinaw na definition sa compliance period sa lahat ng polisiya at regulasyon ng ahensya.

Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II na ang Memorandum Circular 2026-001 ay magtatakda ng paggamit ng “working days” bilang batayan sa pagtupad sa mga regulasyon ng Board.

“Ito ay upang maiwasan ang kalituhan sa ating mga kliyente dahil ang kasalukuyang prescriptive period ay nagdudulot ng abala sa publiko, lalo na sa ating mga kliyente,” ani Chairperson Mendoza.

“Malinaw ang direktiba ng ating DOTr Secretary Banoy Lopez: Tiyakin na ang lahat ng rules and regulations ay maliwanag at laging isasaalang-alang ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ayon kay Mendoza.

Sa memorandum, tinukoy ang kahulugan ng working days kumpara sa calendar days upang maiwasan ang kalituhan sa lahat ng kawani ng LTFRB.

Ayon sa circular, ang working days ay tumutukoy sa anumang araw maliban sa Sabado, Linggo, o mga itinakdang non-working holidays.

Ang Memorandum Circular ay magkakabisa matapos mailathala sa pahayagang may malawak na sirkulasyon at maipasa ang tatlong kopya sa UP Law Center.