Calendar
Wanted sa pang-aabuso sa sariling mga anak, tiklo sa Masbate
Arestado sa Masbate ang isang Rank No. 7 Regional Most Wanted Person na nahaharap sa mga kasong rape at acts of lasciviousness kaugnay ng umano’y pang-aabuso sa kanyang mga menor de edad na anak sa Cavite.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Felipe,” 47, na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 4A at PRO 5 bandang alas-9:45 ng gabi noong Nobyembre 20 sa Barangay Sta. Cruz, Placer, Masbate.
Inaresto siya sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Dasmariñas City, Cavite. Walang inirekomendang piyansa sa kasong rape, habang ₱108,000 naman ang itinakdang piyansa para sa kasong acts of lasciviousness.
Batay sa police report, nag-ugat ang mga kaso sa umano’y pang-aabuso ng suspek sa dalawa niyang menor de edad na anak noong Setyembre 1 at Oktubre 7, 2021, sa Barangay Langkaan 1, Dasmariñas City. May impormasyon din na posibleng may iba pa siyang anak na naging biktima, ngunit wala pang naihahaing kaukulang kaso kaugnay nito.
Matapos ang medical examination at booking procedures, itinurn-over ang suspek sa Dasmariñas City Police Station para sa kaukulang proseso. Tiniyak naman ni PRO 4A Regional Director PBGen Dominic Baccay na patuloy nilang tutugisin ang mga wanted person, lalo na ang mga nahaharap sa kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata.

