Pagasa

Wind signal no. 1 itinaas sa Batanes dahil kay Bising

255 Views

INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na lalo pang lumakas ang Bagyong ‘Bising’ na may international name na ‘Danas’habang papalapit ito sa hilagang-kanlurang hangganan ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon sa Pagasa, itinaas ang wind signal no. 1 sa Batanes, kung saan inaasahan ang pagbugso ng hangin at pag-ulan.

Batay sa pinakahuling ulat, namataan si Bising sa layong 335 kilometro kanluran hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, sa labas ng PAR.

Taglay nito ang lakas ng hanging 130 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 160 kph. Kumikilos ito pahilagang silangan sa bilis na 15 kph.

Maaaring panandaliang pumasok muli si Bising sa PAR Linggo ng gabi at lumabas sa Lunes ng umaga.

Ang habagat ay maaari pa ring magdala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Ilocos Region at Central Luzon hanggang Martes ng hapon.