Mangyan

ZIIP nagsanay ng 28 guro ng Mangyan

Helen D. Prado Aug 8, 2025
288 Views

ORIENTAL MINDORO–Sumailalim sa test ang 28 para-teacher mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigang ito sa ilalim ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) for Indigenous People noong Agosto 4 at 5 sa South Drive Resort, Bulalacao.

Ang programang ito ay isa sa mga isinusulong ni Gov. Humerlito “Bonz” Dolor upang mapataas ang antas ng pagkatuto ng mga katutubong Mangyan.

Kasama ito sa hangarin ng gobernador na sa 2028 wala ng Mangyan na hindi marunong sumulat, magbasa at magkwenta.

Nagpasalamat si Fe Diguma, isa sa mga nagtapos sa pagsasanay, dahil sa benepisyong matatanggap ng kaniyang kapwa katutubo mula sa naturang programa.

“Bilang isang guro, nais kung maibahagi sa kapwa ko katutubo ang aking mga natutunan upang matulungan silang bumasa, sumulat at magkwenta,” sabi ni Diguma.

Suportado ni Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Bokal Lagtum Pasag ang programa.

Ang gawain ay pinangasiwaan ng ZIIP Technical Working Group (TWG) sa pangunguna ni ZIIP Manager Meth Jimenez katuwang ang Provincial Public Employment Service Office (PPESO).