Calendar
House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon
Ridon: Kaso ng impeachment vs VP Sara posibleng ma-refile sa 2026
ISANG lider ng Kamara de Representantes ang nagsabi na posible ang muling pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Pebrero 2026 upang masagot ang mga alegasyon laban dito.
“I think ‘yun pong Feb. 2026 na refiling ng impeachment proceedings on the same articles, on the same reasons, katulad ng paggamit ng confidential funds at pagbabanta laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan, ‘yan po ay magpapatuloy in the event po na magpasya po ‘yung 20th Congress House of Representatives na mag-refile at daanan muli ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte,” ani Rep. Terry Ridon, chair ng House committee on public accounts.
Binigyang-diin ni Ridon na hihintayin ng kasalukuyang Kongreso ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa inihain nitong motion for reconsideration, matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment laban kay VP Duterte.
Sinabi niya na nakasalalay nang malaki sa magiging desisyong iyon ang posibilidad ng muling pagbubukas ng kaso.
“So, aantayin po ng Kongreso ito pong magiging resulta nito pong motion for reconsideration ng Korte Suprema. Kung ano man abutin ito, eh di tsaka ho tayo mag-usap muli,” aniya.
Nilinaw ng mambabatas na hindi dapat ituring na tuluyang nabasura ang proseso sa naging desisyon ng Senado na i-archive ang impeachment case.
Ayon kay Ridon, ang likas na katangian ng pag-archive ay nagbibigay pa rin ng posibilidad na muling talakayin ito depende sa magiging takbo ng legal na proseso.
“We are hopeful and we are thankful. I mean it’s unfortunate that it got archived but we are also thankful that they did not dismiss it. Kasi nga, like what they stated, ‘yung archiving is not exactly killing the entire thing,” paliwanag niya.
Kung sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon, naniniwala si Ridon na kakailanganin ng Senado na i-unarchive ang kaso alinsunod sa parehong rason na ginamit nito para ito ay i-archive.
“In the event that the MR is reconsidered, iyan ‘yung magiging basis for the Senate to unarchive it instead of outrightly dismissing it,” aniya.
“So ibig sabihin in every platform, in every proceeding kung saan natin pwedeng exact ‘yung accountability and truth on confidential funds in the death threats against high officials, we will go to that game,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Ridon na ang mga bumoto para i-archive ang kaso ay dapat bumoto rin para buhayin ito kung sakaling baguhin ng Korte Suprema ang nauna nitong pasya.
“Kasi ang batayan kung bakit sila nag-archive ay ‘yung kanila pong sinasabi na mahalagang mahalagang galangin po natin ang Korte Suprema. In the event that Supreme Court reconsiders, that’s the same logic that we have to apply, di ba?” aniya.
Binigyang-diin din niya na kahit maging pinal at hindi pabor sa kanila ang desisyon ng mataas na hukuman, malaki pa rin ang posibilidad ng muling pagsasampa sa susunod na Kongreso.
“I think House members would definitely be interested in refiling it, whichever mode it takes. Pagka naman ho sure ka na, sure ka on evidence, sure ka on the justness of it, it shouldn’t stop you from actually refiling it. So, it stopped us today, but there’s Feb. 2026 anyway,” wika niya.
Tungkol naman sa kung dapat dumaan muli sa House committee on justice ang bagong impeachment complaint o idiretso na sa plenaryo, sinabi ni Ridon na nakadepende ito sa taktikal na konsiderasyon, ngunit nananatili ang prinsipyo.
“At this point, it’s a matter of tactics. We just have to agree on is it a just thing to do. And I’m quite certain House members will say today that it is a just thing to do,” sabi niya.
Inamin ni Ridon na naglatag ng mga bagong rekisito ang desisyon ng Korte Suprema na kailangang tugunan sa ano mang susunod na reklamo.
“Siyempre may bago pong mga rekisito po na kailangang gawin. Pero kung ano man ‘yan, whether through the Committee on Justice or whether through plenary, the most important thing today is… kailangan bang may managot sa usapin po ng confidential funds?” aniya.
Binigyang-diin niya na nananatiling mahalagang isulong ang pananagutan kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga banta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
“Kung ang sagot po doon ay oo, whether it is through the Committee on Justice or whether it is through plenary, gagawin po at gagawin po ‘yung mga rekisitong kailangan pong gawin para po dito,” ayon kay Ridon.
Nang tanungin kung susuportahan niya ang panibagong impeachment complaint pagkatapos ng Pebrero 5, 2026, sinabi ni Ridon na malamang ay susuportahan niya ito.
“I think we might be inclined to support it. Kasi wala namang nagbago, it’s just the periods that had changed eh. So, it’s the same evidence that we are talking about, not the period,” aniya.
Idinagdag pa niya na kung ituturing ng liderato ng Kamara na makatarungan at napapanahon ang muling pagsasampa sa ilalim ng bagong mga patakaran at kalagayang itinakda ng Korte Suprema, walang dahilan para hindi ito isulong.
“As soon as we reached that point, if it is the House leadership’s wisdom that another impeachment complaint should be filed within the new rules and new reality under the Supreme Court decision, if they do not reconsider, I think it is something that we are in fact inclined to support,” sabi ni Ridon.

