BBM

Pagtigil ni PBBM sa pag-angkat ng bigas sinuportahan

384 Views

SUPORTADO ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ihinto ang importasyon ng bigas at isaalang-alang ang pagtaas ng taripa—mga hakbang na layuning magbigay ginhawa sa mga lokal na magsasaka sa panahon ng anihan.

“Sinusuportahan natin ang pagtaas ng taripa. Sinusuportahan din natin ang pagsuspinde ng importasyon ng bigas, lalong-lalo na tuwing anihan,” ani Pangilinan.

Ayon sa mga ulat, inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang pansamantalang 60-araw na suspensyon ng rice imports simula Setyembre 1, matapos ang konsultasyon sa mga miyembro ng Gabinete. Layunin umano ng hakbang na ito na mapatatag ang presyo ng palay at maibsan ang epekto ng dayuhang kompetisyon habang kasagsagan ng anihan. Habang pinag-aaralan pa ang pagtaas ng taripa, mas pinili muna ng administrasyon ang pansamantalang import freeze bilang mas mabilis at flexible na tugon.

Tinukoy ni Pangilinan na ang kasalukuyang presyo ng pagbili ng palay—₱5 hanggang ₱9 kada kilo—ay malayo sa gastos sa produksyon na nasa ₱14 hanggang ₱16 kada kilo.

“Luging-lugi na ang ating magpapalay,” babala niya.

Muli niyang iginiit ang panawagan na ipatupad nang buo ang Sagip Saka Law, na layuning direktang maikonekta ang mga magsasaka at mangingisda sa mga mamimili tulad ng food processors at retailers. “Direkta na kayong bumili ng inyong mga pangangailangan sa mga magsasaka at mangingisda,” aniya.

Batay sa mga ulat, mahigit 2.4 milyong metriko tonelada ng bigas na ang naangkat ng Pilipinas hanggang Hulyo 2025, at posibleng lumampas sa 4.7 milyong metriko tonelada sa pagtatapos ng taon. Ayon sa mga opisyal ng agrikultura, ang suspensyon ng importasyon ay isang “calibrated” na tugon sa kasalukuyang kalagayan ng pamilihan.