Ang

₱10-MILYONG PABUYA PARA KAY ATONG ANG

Alfred Dalizon Jan 15, 2026
287 Views

INANUNSYO nitong Huwebes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. ang ₱10 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkakaaresto ng gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang, na kasalukuyang nahaharap sa mga kasong hindi maaaring piyansahan kaugnay ng mga kaso ng “missing sabungero.”

Ito ay kasunod ng desisyon ng Philippine National Police (PNP) na bawiin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at lahat ng Firearm Registration ni Ang, na ayon kay Sec. Remulla ay nasa loob pa rin ng bansa, partikular sa rehiyon ng Luzon. Si Ang ay rehistradong may-ari ng hindi bababa sa anim na iba’t ibang uri ng baril.

“Nandito pa siya kasi noong sabi nga ng abogado noong the day before ay kasama niya pa. Pumipirma ng mga papel bago lumabas ’yung mga warrant of arrest a few hours later. So ang tracking namin nandito pa rin siya,” pahayag ng kalihim ng DILG.

Sinabi ni Police Security and Protection Group (PSPG) Director Brigadier General Benigno L. Guzman na sa kasalukuyan ay wala nang PSPG protective personnel na nakatalaga kay G. Ang.

Ayon kay Sec. Remulla, handa ang mga awtoridad sakaling manlaban si Ang sa oras ng kanyang pag-aresto.

Samantala, sinabi ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Robert Alexander A. Morico II na inirekomenda rin nila ang pagbawi ng mga permit sa baril ni Ang, na hinahanap ng batas kaugnay ng pagdukot at misteryosong pagkawala ng hindi bababa sa 34 na sabungero.

“Upang higit na mapadali ang manhunt operation, inirekomenda namin sa Chief PNP ang pagbawi ng lisensya sa baril ni G. Atong Ang, na inaprubahan naman ng Chief PNP,” pahayag ng opisyal, kasabay ng pagbanggit sa pag-apruba ng Acting PNP Chief na si Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

“Nakipag-ugnayan na kami sa mga abogadong ito, at inatasan silang isuko ang mga baril sa Firearms and Explosives Office,” dagdag pa ng PNP-CIDG director.

Pinaigting pa lalo ng mga tauhan ng PNP ang pag-momonitor sa mga paliparan at pantalan sa bansa na maaring daanan ng gaming tycoon.

Iniutos din ni Lt. Gen. Nartatez, Jr. ang maigting na koordjnasyon sa Bureau of Immigration (BI) para pigilan ang posibleng paglabas ng bansa ni Ang.

Ayon kay Lt. Gen. Nartatez, ipinatutupad ng PNP ang mas mahigpit na pagbabantay o heightened monitoring sa mga port of exit bilang bahagi ng patuloy na manhunt

Iniutos din niya sa mga tracker teams ng PNP Criminal Investigation and Detection Group at iba pang PNP units na mas lalo pa nilang paigtingin ang kanilang layunin na matiyak na walang suspek ang makalalabas ng bansa habang may nakabinbing mga warrant of arrest.

Ito as alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at Sec. Remulla na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.

“The most logical option for him (Atong Ang) is to surrender because the PNP is determined to comply with the arrest warrant issued by the court. If he is indeed innocent as he has been claiming, the more that he should be encouraged to surrender to face the accusations against him,” sinabi ni Lt. Gen. Nartatez .

May 18 akusado sa kaso: 10 aktibong pulis, isang dismissed na pulis at walong sibilyan, kabilang si Ang.

Naglabas ang Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna ng warrant of arrest laban kay Ang at sa ilan pang sangkot kaugnay ng pagkawala ng mga ang sabungero. Si Ang ay nahaharap sa 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention, at apat na bilang ng kidnapping with homicide.

Ang PNP-CIDG sa pamumuno ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II ang nangunguna sa pagsisilbi ng mga bagong inilabas na warrant of arrest.

Pinuri rin ni Lt. Gen. Nartatez ang PNP-CIDG sa pagtukoy at pag-account sa 17 sa 18 akusado sa kaso sa loob lamang ng ilang oras matapos mailabas ang warrant of arrest noong Miyerkules.

“I commend the CIDG for its swift action on the court order. Time is indeed of essence in this case and our personnel were able to prove their dedication to their job,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.

Siyam na pulis at anim na sibilyan na sangkot sa kaso ang nasa kustodiya na ng CIDG. Kabilang sa mga ito ang mga dating security personnel at mga empleyado ng mga sabungan na may kaugnayan kay Ang.

Ayon kay Lt. Gen. Nartatez, ang mga police unit sa mga lugar ay direktang nakikipag-ugnayan sa mga korte at katuwang na ahensya para matiyak ang wastong pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Ang.